MANILA, Philippines – Pitong indibidwal ang inaresto habang 12 biktima ng human trafficking, kabilang ang mga menor de edad at isang sanggol, ang nasagip sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Parañaque City noong Mayo 7, 2026.
Ayon sa NBI, isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng Homicide Division nito matapos makatanggap ng intelligence report mula sa isang non-governmental organization (NGO) hinggil sa umano’y sindikatong sangkot sa trafficking ng mga menor de edad sa ilalim ng pagkukunwari ng spa at wellness services.
Ipinapasa umano ang mga biktima bilang “therapists” para sa tinatawag na “nuru massage” at “lingam massage,” na kalaunan ay natuklasang may kapalit na bayad para sa sexual services.
“This led operatives to an establishment identified as ‘Rainbow Spa,’ where undercover agents confirmed that illegal activities were being conducted there,” ayon sa NBI.
Sa operasyon, nagpanggap na kliyente ang mga operatiba at inaalok sila ng serbisyo ng dalawang babaeng therapist, bago dinala sa isang kalapit na apartelle. Matapos ibigay ang marked money bilang bayad, agad inaresto ang mga suspek, kabilang ang dalawang lalaki na umano’y responsable sa paghatid ng mga menor de edad sa mga kliyente.
Kasunod na imbestigasyon ay nagresulta rin sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa umano’y mga operator ng sindikato na isang mag-asawa na nakatira sa Fourth Estate, Barangay San Antonio, Parañaque City.
Nagsagawa rin ng hiwalay na operasyon sa Fortunata Village sa Parañaque at sa isang motel sa Pasay City kung saan isang menor de edad na biktima ang nasagip at inaresto ang kanyang lalaking kliyente.
Kinasuhan ang mga naarestong suspek ng paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at iba pang kaukulang batas.
Pinuri ni NBI Director Melvin A. Matibag ang mga operatiba at muling tiniyak ang maigting na kampanya ng ahensya laban sa human trafficking.
Binigyang-diin niya na “Human trafficking is a cruel assault on human dignity, especially when the victims are minors who are robbed of their innocence and future. The NBI will continue to intensify its operations against trafficking syndicates and ensure that those responsible are brought before the law.”
Nanawagan din ang NBI sa publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang impormasyon kaugnay ng human trafficking at pang-aabuso sa mga menor de edad. Dave Baluyot