MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya ang itinuturong lider at pitong miyembro ng isang robbery-holdup at carnapping group na umano’y responsable sa serye ng pagnanakaw ng motorsiklo sa Metro Manila at kalapit na probinsya.
Ayon sa ulat, isinagawa ng Eastern Police District ang magkakahiwalay na operasyon matapos ang imbestigasyon sa insidente ng motorcycle robbery sa Marikina City.
Kinilala ni Police Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. ang grupo bilang “Paps Group,” na pinamumunuan umano ng alyas “Paps” mula Taguig City, at aktibo na mula pa noong 2023 sa Metro Manila, Cavite, at Bulacan.
Nagsimula ang operasyon matapos ang insidente sa Barangay Tumana, Marikina, kung saan tinutukan umano ng baril ang isang 20-anyos na biktima habang kinukuha ang kanyang motorsiklo.
“Tinutukan na po agad kami ng baril at saka pinababa na agad po kami ng motor…,” ayon sa biktima.
May kaugnayan din umano ang grupo sa isa pang insidente na nahuli sa CCTV noong Mayo 18 sa Barangay Santo Niño, Marikina, kung saan makikitang inatake ng mga armadong suspek ang isang motorista sa harap ng isang paaralan.
Ayon sa pulisya, posibleng mahigit 100 motorsiklo na ang kanilang ninakaw at ipinadala pa umano sa Mindanao para ibenta.
Narekober mula sa operasyon ang walong motorsiklo, dalawang sasakyan, dalawang baril na may bala, at mga gamit umano ng mga suspek para sa kanilang operasyon.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at nahaharap sa iba’t ibang kaso, habang patuloy ang operasyon para mahuli pa ang ibang kasabwat. RNT/MND