MANILA, Philippines- Muli na namang pinagtibay ang estado ng Pilipinas bilang isa sa premier travel destinations ng Asya matapos manalo ng walong pagkilala sa World Travel Awards (WTA) 2024.
Kinilala ang Pilipinas bilang Asia’s Leading Dive Destination sa anim na sunod na pagkakataon mula 2019 sa Asia & Oceania Gala Ceremony 2024 nitong Martes sa City of Dreams sa Parañaque. Ginawaran din ito ng Asia’s Leading Beach Destination at Asia’s Leading Island Destination titles.
Tampok ang ilang nangungunang destinasyon sa bansa sa WTA ngayong taon, maging ang makasaysayang Intramuros na pinangalanang Asia’s Leading Tourist Attraction. Gayundin, nakuha ng Boracay ang titulong Asia’s Leading Luxury Island Destination at Cebu bilang Asia’s Leading Wedding Destination.
Nanalo rin ang “Love the Philippines” campaign ng Department of Tourism bilang Asia’s Leading Marketing Campaign, habang ginawaran naman si Tourism Secretary Christina Frasco ng Transformational Leader Award in Tourism Governance.
Ang 31st edition ng WTA ang unang hinost ng Pilipinas.
Kilala bilang Oscars ng travel industry, ang World Travel Awards ay isang London-based organization na itinatag noong 1993, na kumikilala sa husay sa travel at tourism sa national, regional, at global levels. RNT/SA