Home HOME BANNER STORY 80% ng mga Pinoy pabor pa rin sa demokrasya — OCTA

80% ng mga Pinoy pabor pa rin sa demokrasya — OCTA

351
0

MANILA, Philippines – Walo sa bawat sampung Pilipino o 80% pa rin ang mas gustong manatili ang demokrasya sa bansa sa kabila ng mga kakulangan nito, ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research.

Batay sa Q3 2025 Tugon ng Masa (TNM) survey, 18% lamang ang hindi sang-ayon at 2% ang hindi tiyak sa kanilang pananaw tungkol sa demokrasya.

Gayunman, apat lamang sa bawat sampung Pilipino o 41% ang nagsabing sila ay kontento sa kung paano ito umiiral sa bansa, habang 31% ang hindi nasisiyahan at 26% ang nananatiling walang malinaw na opinyon.

“Ipinapakita ng pag-aaral ang dalawang magkasalungat na pananaw ng mga Pilipino: matibay ang paniniwala sa demokrasya bilang prinsipyo, ngunit mahina ang kasiyahan sa resulta nito,” ayon sa ulat ng OCTA nitong Sabado.

Dagdag ng think tank, nananatiling matatag ngunit “kondisyonal” ang tiwala ng publiko sa demokrasya o nakadepende sa husay ng pamamahala, pananagutan, at serbisyo publiko.

Isinagawa ang survey mula Setyembre 25 hanggang 30, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na edad 18 pataas. May ±3% margin of error sa 95% confidence level.

Pinakamataas ang suporta sa demokrasya sa Balance Luzon (84%), at pinakamababa sa Visayas (72%). Sa mga rehiyon, nanguna ang Northern Mindanao (95%), sinundan ng CAR (92%) at Bicol (92%). Pinakamataas ang hindi pagsang-ayon sa Mimaropa (44%) at Negros Island Region (40%).

Pinakamatibay ang suporta mula sa Class D (81%), kasunod ang Class E (78%) at Class ABC (75%).

Pinakamataas naman ang kasiyahan sa demokrasya sa Balance Luzon (55%), habang pinakamababa sa Visayas (25%). Hindi naman nasisiyahan ang mga nasa Visayas (44%) at Mindanao (39%).

Ayon pa sa OCTA, ang pagpapatuloy ng mga Pilipino sa pagpapahalaga sa demokrasya sa kabila ng pagkadismaya ay senyales ng “civic maturity.”

“Hindi tinatanggihan ng mga Pilipino ang demokrasya — hinihiling nila ang pagbabagong magpapatatag dito. Ang demokrasya sa Pilipinas ay nananatiling matibay, hindi dahil sa bulag na katapatan, kundi sa pag-asang magkaroon ng reporma, katarungan, at pagkakapantay-pantay,” ayon sa OCTA. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here