VALENZUELA CITY, Philippines – Tinatayang aabot sa 85 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos tupukin ng apoy ang mga kabahayan sa sunog na sumiklab sa hindi pa batid na dahilan sa Valenzuela City, Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ni City Fire Marshal F/Supt. Ma. Theresa Alqueza kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalina, nagsimula ang apoy na itinaas sa unang alarma dakong ala-1:54 ng madaling araw sa Sitio Kabatuhan, Barangay Gen. T. de Leon, na umabot sa ikatlong alarma alas-2:12 sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy sa mga dikit-dikit na kabahayan na pawang gawa sa light materials.
Idineklarang undercontrol ang susnog dakong alas-4:44 ng madaling araw hanggang tuluyang maapula ng alas-6:05 ng umaga.
Ayon kay Alqueza, kabilang sa mga nasunugan ang rumespondeng fire volunteer na si Jeckster Quiamco, na walang naisalbang gamit dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy bagamat ligtas naman ang kanyang pamilya.
Pansamantala ngayong nanunuluyan sa San Roque Chapel at sa covered court ng Brgy, Gen. T. De Leon ang mga apektadong pamila kung saan sila pinadalhan ni Mayor Gatchalian ng mainit na pagkain at kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga arson investigator upang matukoy ang sanhi ng sunog at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian na natupok ng apoy. (Merly Duero)