MANDALUYONG CITY — Patay ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki matapos malunod habang naliligo kasama ang kaniyang mga kaibigan sa bahagi ng Pasig River sa Mandaluyong City sa gitna ng maulang panahon.
Tumulong sa paghahanap sa bata ang Philippine Coast Guard, Mandaluyong CDRRMO Fire and Rescue, at mga residente ng lugar.
“Eksena ng ilog na ‘yun, medyo maitim, maburak, mahina ‘yung current o daloy. Mababaw sa una yung mga bato, pero siguro mga dalawang hakbang biglang lalim na siya, hanggang dibdib na,” pahayag ni Barangay Itaas Kagawad Bobby Tendencia sa isang ulat.
Natagpuan ang bata makalipas ang mahigit 30 minuto. Agad siyang dinala sa pampang at sinubukang i-revive ng mga rescuer.
“Bloated na po yung tiyan na tapos yung bibig niya po medyo maputla na talaga…Wala na po siyang breathing, wala na pong pulse po,” ayon kay Barangay Itaas deputy fire chief Raymundo Macario, na nagsabing tuloy-tuloy ang isinagawang CPR hanggang sa makarating sila sa Mandaluyong Hospital. Dave Baluyot