ABRA, Philippines – Patuloy ang paghahanap sa 9-anyos na si Mark matapos matagpuan ang kanyang kapatid na si Octavio na patay sa bulubunduking bahagi ng Barangay Caganayan, ayon sa Tineg Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Ayon sa MDRRMC, natagpuan si Octavio bandang alas-11 ng umaga noong Biyernes, Setyembre 4, sa Mount Mabitog Asilip ng mga local responder at community volunteer.
Nilinaw ng MDRRMC na isa lamang sa dalawang magkapatid ang natagpuang patay, taliwas sa naunang ulat na parehong nasawi ang mga bata.
Parehong residente ng Caganayan sina Octavio at Mark at naiulat na nawawala noong Setyembre 3 matapos hindi makauwi nang halos tatlong araw.
Patuloy ang search, retrieval at rescue operations ng mga awtoridad at volunteer upang mahanap si Mark. Nanawagan din ang MDRRMC ng patuloy na suporta at panalangin.
Samantala, sinabi ng MDRRMC na nagpapatuloy ang paghahanap kay Mark. RNT/MDS