Home NATIONWIDE 9 bangkay ng dayuhan nadiskubre sa iba’t ibang bahagi ng Pampanga

9 bangkay ng dayuhan nadiskubre sa iba’t ibang bahagi ng Pampanga

MANILA, Philippines — Nadiskubre kamakailan ang bangkay ng siyam na dayuhan sa iba’t ibang bahagi ng Pampanga, sinabi ng provincial police nitong Biyernes.

“Yung siyam na natagpuan po dito, ang anim po dito ay Chinese, one Vietnamese, one Malaysian, and one Japanese,” sabi ni Pampanga Police Office Director Col. Jay Dimaandal sa radio dwPM.

Tatlo sa mga namatay na Chinese national ang natagpuan sa bayan ng Porac.

Ngunit sinabi ni Dimaandal na hindi matukoy kung may kaugnayan sa Pogo ang pagkamatay ng tatlong biktimang Chinese.

Matatandaang na isang raid ang isinagawa sa isang Philippine offshore gaming operator (POGO) complex sa Porac noong nakaraang buwan, kung saan 186 na indibidwal ang nasagip sa gitna ng mga ulat na ginagamit ito para sa human trafficking, kung saan ang ilan sa mga dayuhang empleyado ay sinasabing tinortyur o ibinebenta para sa pakikipagtalik.

“Actually, hindi po natin masabi dahil tulad po nitong tatlong Chinese victim, based sa backtracking sa CCTV nanggaling po sila sa Metro Manila ang sasakyan, at dito nagbarilan at dito natagpuan ang tatlong bangkay,” ani Dimaandal.

Maliban sa insidenteng ito, natagpuan kamakailan sa ibang bahagi ng bansa ang bangkay ng mga kinidnap na Chinese.

Noong nakaraang buwan, natagpuan sa Camarines Sur ang labi ng dalawang negosyanteng Chinese na hinihinalang kinidnap.

Noong Nobyembre 2023, apat na Chinese nationals na kinidnap sa Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City ang natagpuang patay din sa Rizal at Quezon. RNT