MANILA, Philippines – Nagsimula na ang 90-day preventive suspension ni Cagayan Vice Governor Manuel Mamba nitong Lunes, Setyembre 21 matapos tanggihan ng Regional Trial Court sa Batac, Ilocos ang kanyang motion for reconsideration.
Ani Mamba, nirerespeto niya ang kautusan ng korte at iginiit na ang kanyang suspensyon ay “not a penalty but a procedural requirement.”
Aniya, gagawin nito ang lahat ng legal na hakbang at nananatiling kumpiyansa na mananaig ang hustisya.
Kumpiyansa rin ito na si Acting Vice Gov. Randy Ursulum, highest-ranking member ng Sangguniang Panlalawigan, ay epektibong matutugunan ang trabaho sa kanyang pagliban.
Nag-ugat ang suspensyon sa reklamong graft sa umano’y iregularidad sa pagbabayad ng nasa P40 milyong infrastructure projects sa probinsya nang siya ay gobernador pa.
Inihain ng JLL Pulsar Construction Corp. ang reklamo na humihiling ng bayad sa mga nakumpletong proyekto.
Itinanggi ni Mamba ang mga alegasyon at sinabing ang pag-withhold ng bayad ay bahagi ng polisiya na nag-oobliga na i-release ang bayad sa rehistradong project owners.
Ang kaso ay inilipat sa Batac matapos humiling ang prosekusyon na ilipat ang paglilitis mula sa Cagayan para maiwasan ang anumang posibleng influence-peddling. RNT/JGC