MANILA, Philippines — Umabot na sa 91 katao ang naaresto ng mga awtoridad dahil sa paglabag sa gun ban para sa 2025 midterm elections, at 93 armas ang nakumpiska hanggang tanghali ng Miyerkules, Enero 15, ayon sa Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec) National Election Monitoring Action Center (NEMAC).
Simula noong Enero 12, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril maliban kung may certificate of authority o exemption mula sa Comelec. Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, pansamantalang sinuspinde ang lahat ng permit to carry firearms habang umiiral ang gun ban na tatagal hanggang Hunyo 11, 2025.
Kabilang sa mga naaresto ang apat na security guard, dalawang sundalo, isang empleyado ng gobyerno, at isang tauhan mula sa ibang ahensya ng pagpapatupad ng batas. Muling pinaalala ni Fajardo na ang tanging exempted sa pagdadala ng baril ay ang mga aktibong naglilingkod sa kanilang tungkulin, at bawal ito sa mga naka-off duty. Santi Celario