SILAGO, Southern Leyte — Inihayag ni Mayor Lemuel Honor na 80% hanggang 95% ng mga bahay sa Silago ang bahagya o tuluyang nasira dahil sa Bagyong Tino.
Nasira rin ang mga pampublikong gusali, lalo na ang mga paaralan, na nasa 30% hanggang 40% ang hindi magamit.
Patuloy ang pagkawala ng kuryente at suplay ng tubig, na nakaapekto sa 12,000 hanggang 14,000 na kabahayan.
Humihiram ang lokal na pamahalaan ng mga water tanker mula sa karatig bayan, habang inaasahang matatagalan ang pagbalik ng kuryente dahil sa malayong lokasyon ng Silago. Kulang din ang suplay ng pagkain sa bayan.
Binanggit ni Honor ang matagal na panganib ng pagbaha: “In the history, 1952 pa umapaw ang tubig, ang river namin sa bayan. Ngayon, bumalik siya after 73 years.”
Idinagdag niya na ang inirekomendang flood control project sana ay nakaiwas sa ganitong sakuna: “Kaya sabi ko, kung naipatayo sana ang flood control dito, yung nire-re-recommend namin baka hindi siya umapaw. Ang problema, wala.”
Binigyang-diin ng mayor na iilang minor injuries lamang ang naitala dahil sa maagap na pre-emptive at forced evacuation ng lokal na pamahalaan. RNT