NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa panukalang bawasan ang badyet ng Department of Health (DOH) sa 2024.
Bagkus, idiniin ni Sen. Go ang kritikal na kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan, lalo’t patuloy ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya.
Batay sa 2024 National Expenditure Program (NEP), ang pagbabawas sa pondo ng DOH ay iminungkahi sa iba’t ibang programa sa pangangalagang pangkalusugan. Halimbawa, ang Health Facilities Enhancement Program na may P26.8 bilyon noong 2023 ay gagawing P22.9 bilyon sa 2024.
Gayundin, ang badyet para sa prevention and control of infectious diseases ay iminungkahing bawasan mula sa P5.8 bilyon sa P4.8 bilyon.
Binigyang diin ng senador na dapat pa nga ay maglaan ng sapat na pondo ang pamahalaan para sa mga programang pangkalusugan sa pangunguna ng DOH.
“Ang estado ng kalusugan ng mga mamamayan sa isang bansa ay batayan din ng kalagayan ng kalidad ng buhay,” sabi niya.
“Kailangang matiyak na maging ang pinakamahirap nating kababayan, mga hopeless, helpless at walang malalapitan ay may access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan,” dagdag niya.
Aniya, kailangang palakasin ang healthcare system, lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic.
“Nagulat tayo nang dumating ang COVID-19 sa ating buhay. Nakita natin ang kakulangan ng ating sistemang pangkalusugan,” sabi ni Go.
“The more we should invest sa ating healthcare system.”
Matatandaang isa si Go na nagsikap na itaas ang budget ng DOH noong nakaraang taon mula P296B tungo sa P316B para sa 2023. Tinutulan din niya ang pagputol sa badyet para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong 2019.
“Hindi po tayo pumayag. In fact, dinagdagan pa natin sila noong budget deliberations,” sa pagsasabing ang RITM ay napatunayang isang krusyal na institusyon sa panahon ng pandemya.
Itinulak din ng senador ang dagdag na pondo para sa Cancer Assistance Fund na sa simula ay hindi bahagi ng proposed 2023 budget.
Sa katunayan, plano ni Go na doblehin ang pondo nito sa susunod na taon, sa pagkilala sa pinansiyal at emosyonal na epekto ng cancer sa mga pamilya, lalo sa mga mahihirap. RNT