MANILA, Philippines – “SINO matapang lumabas diyan, papatayin ko” ito ang naaktuhan ng mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District-Raxabago Police Station 1, makaraang makatanggap ng tawag ng ilang concern citizen sa pagwawala ng isang lalaki na armado ng baril sa Tondo, Manila, nitong nakalipas na madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Marvin Mangalindan, 23, binata, ng Permanent Housing Barangay 128, Tondo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, Station Commander, bandang 1:00 ng madaling araw, sa kasagsagan ng mahimbing na tulog ng mga residente sa Mel Lopez Boulevard Southbound lane ng Barangay 101, Tondo, nang makitang nagwawala ang isang lalaki sa kalsada
Dahil dito inutos ni Mupas na magresponde sa lugar at tugunan ang tawag ng concern Citizen.
Naaktuhan nila na nagsisisigaw ang suspek sa kalye at naghahamon ng away na armado ng improvised gun na kargado ng 1 bala, habang 2 bala pa ang nakapkapan sa bulsa.
Hindi naman nanlaban ng binata at kusang loob itong sumama sa mga awtoridad.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na ang binata umano ay sakit ng ulo sa mga awtoridad dahil isa umano ito sa tinaguriang “Jumper boy” na nagpapahirap sa mga dumaraang mga truck ng kargamento sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard na dating Road 10 sa Tondo. Rene Crisostomo