MANILA, Philippines — Isang national security concern ang nabuking na online recruitment effort ng mga “part-time military consultant” na natunton sa China, ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na maaaring ginawa ang nasabing iskema para makatiktik ng panloob na datos ng militar.
“Anumang pag-atake sa cyber domain ay maaaring, siyempre, monetary o data-driven kaya [marahil] ang gusto nila ay makakuha ng panloob na data mula sa armadong pwersa,” sabi din ni Padilla nang tanungin tungkol sa mga potensyal na motibo ng scheme.
Dagdag pa, sinabi ni Defense spokesperson Arsenio Andoloing na inutusan ang AFP na imbestigahan kung ano ang itinuturing niyang modus operandi.
Noong nakaraang Sabado (Abril 6), iniulat sa Manila Bulleting ang isang “kakaibang online recruitment effort” sa isang website ng militar na nagsasabing kaanib sila sa isang US military advertising agency.
Ayon pa rito na ang ahensyang nakabase sa US na may website na tinatawag na militarymedia(dot)com ay itinaggi ang kaugnayan sa militarymedia(dot)group, na nag-post ng mga advisory nito sa Facebook page nito.
Nadiskubre rin ang mga kredensyal ng website na may Chinese origin.
Ilan namang aktibong tauhan ng militar ang nadiskubreng nagpahayag ng layunin na mag-aplay para sa posisyon sa pamamagitan ng Facebook, ngunit sinabi ni Padilla na wala silang eksaktong bilang ng mga tauhan. RNT