MANILA, Philippines – Arestado ang isang 30-anyos na suspek na umano’y sangkot sa “rentangay” scheme sa Dagupan City, Pangasinan.
Nasakote ng mga operatiba ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) NCR ang suspek sa isang nightclub dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 6539 o ang Anti-Carnapping Law.
“Ito ay matagal nang binabantayan, kasi tumakas ito eh, from Tondo, Manila to Pangasinan,” ani Police Colonel Neil Francia, Chief of PNP-HPG NCR sa isang ulat.
“Mag-re- rent ka ng sasakyan, tapos bibigyan mo ng dalawang araw ng advance, mawawala na bigla tapos ibebenta. May previous na kaso na ito eh, nakapag piyansa lang,” paliwanag pa niya.
Itinanggi naman ng suspek ang akusasyon, at sinabing biktima rin siya.
“Totoong nawala ang sasakyan pero hindi ako ang dahilan. Ni-rentahan ko ang sasakyan may kumuha sa akin na tao, binenta sa ibang tao rin,” aniya pa. RNT