Home METRO Obrero kulong sa P10.2M droga

Obrero kulong sa P10.2M droga

CEBU CITY – Nasa P10.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat mula sa isang construction worker sa isinagawang operasyon nitong Martes ng gabi, Abril 9, sa Barangay Cabayan sa kabiserang lungsod na ito.

Sinabi ng pulisya na ang suspek na si Kenneth Cabajar, 26, ay naaresto pasado alas-7 ng gabi. malapit sa kanyang tirahan sa Sitio Upper, Barangay Cabayan.

Si Cabajar ay kinokonsidera bilang isang regional high-value suspect na ang tungkulin ay magtago, mag-imbak, at maghatid ng iligal na droga sa kanilang mga parokyano, ayon sa pulisya.

Ang kanyang pangalan ay lumabas sa ilang tactical interrogations bilang kabilang sa mga drug personalities na nag-ooperate sa Metro Cebu na makapaghahatid ng tatlo hanggang limang kilo ng droga sa isang buwan.

Inamin ni Cabajar sa media na may tatawag umano sa kanya sa loob ng kulungan para kumuha ng iligal na droga sa isang lugar sa Barangay Mambaling.

Nakuha sa kanya ang 15 medium packs ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 1.5 kilo na may standard na presyo ng gamot na P10.2 milyon. RNT