MANILA, Philippines – Arestado ang pasaherong nangholdap ng isang taxi driver na nagpanggap pa di-umanong pulis Miyerkules ng madaling araw (Abril 10) sa Pasay City.
Sa report na natanggap ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames Jr., nangyari ang pag-aresto sa suspect na kinilala lamang sa alyas na Jose madaling araw ng Miyerkules sa Williams Street, Barangay 13, Pasay City.
Sinabi ni Mayames na base sa salaysay ng biktimang taxi driver, isinakay niya ang suspect sa Pasay Rotonda at nagpahatid sa Leveriza Street.
Ayon kay Mayames, kinutuban na ang taxi driver matapos diktahan siya kung saan dadaan samantalang napakalapit lamang ng kanilang patutunguhan.
Pagdating sa madilim na bahagi ng Williams Street ay tinutukan na ng kutsilyo ng suspect ang taxi driver sabay anunsyo ng holdap.
Makaraang maiabot ng biktima sa suspect ang kanyang cellphone at kinita sa biyahe ay tiyempo namang may dumaan na mag-asawa na nakuha ang kanilang atensyon.
Sa pagkakataong ito ay tumakbo na ang suspect para tumakas habang muling pinatakbo naman ng biktima ang kanyang taxi na nakabukas ang bintana na nagsisigaw ng ‘holdap’ at nanghihingi ng tulong.
Nakuha ng biktima ang atensyon ng mga istambay sa kalsada na humabol sa suspect at ng makorner ay bugbog sarado ito sa mga humahabol sa kanya.
Nagpakilala pa di-umano ang suspect na siya ay pulis ngunit wala naman itong maipakitang ID na makapagpapaatunay na siya ay alagad ng batas.
Narekober sa posesyon ng suspect ang kutsilyo na ginamit sa panghoholdap, cellphone at kinitang P1,500 ng biktimang taxi driver.
Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police ang suspect na nahaharap sa kasong robbery/holdup sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)