MISAMIS ORIENTAL- Sabog ang bungo ng isang security guard habang sugatan ang kasama nito matapos silang barilin ng mga kawatan na nanloob sa binabantayang planta ng bakal noong Miyerkules sa bayan ng Villanueva.
Kinilala ang nasawi na si Celso Palma, 58-anyos, habang ginagamot naman sa ospital ang kasamahan nitong si Teodem Colonia, 30, at kapwa security guard ng Mindanao Talakag Steel, Corporation.
Batay sa report ng Villanueva Police Station, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang pasukin ng mga suspek ang planta ng bakal sa Sitio Kirahon Barangay San Martin ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, pumasok ang tatlong suspek na nakasuot ng bonnet at armado ng .45 kalibre na baril habang ang isang suspek ang nagsilbing look-out sa labas ng planta.
Pagpasok ng mga suspek, pinosasan nila ang mga kamay ni Palma subalit nagtangka umano itong manlaban kaya binaril ito sa ulo ng naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Bago tumakas ang mga suspek ay tinangay ng mga ito ang mshigit P1.3 milyon at mga alahas habang binaril si Colonia matapos habulin ang mga ito patakas.
Itinuturing naman na person of interest ang truck driver ng planta ng bakal dahil sa kahina-hinala nitong ikinikilos at nakitaan ng shabu sa minamanehong sasakyan.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at ikadarakip sa mga ito na nahaharap sa kasong homicide, frustrated homicide at robbery. Mary Anne Sapico