MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na kung sino ang nasa likod ng pagtatapon ng labi ng 26 aso at tatlong pusa na nakasilid sa mga plastic bag sa New Town Street sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa report, nadiskubre lamang ang mga nabubulok nang labi ng mga ito Miyerkules ng umaga matapos may magsumbong sa nakasusulasok na amoy sa lugar.
Nakalagay naman sa plastic ang pangalan ng mga hayop kasama ang kani-kanilang mga timbang.
Agad naman na inilibing ng mga awtoridad ang labi ng mga hayop sa kalapit na bakanteng lote.
“Need na po namin ilibing… ngayon nga may amoy pa, ‘di ba. Nagdalawang hukay kami,” sinabi ni Dories Servidad, supervisor ng Barangay Minuyan Material Recovery Facility, sa panayam ng GMA News.
Nangako naman ang lokal na awtoridad na mananagot ang mga nasa likod ng insidente.
May ilan na ring may-ari ng hayop ang lumutang matapos malaman na posibleng isa ang kanilang mga yumaong alaga sa mga itinapon.
“Magba-backtrack po kami para makita yung plate number tsaka yung mga may-ari nung mga hayop nung itinapon dito. Kung mapatunayan na totoo na nagkasala yung nagtapon dito ay file-an po natin ng kaukulang demanda,” sinabi naman ni San Jose del Monte City Police Acting Chief P/Lt. Col. Nelson Sardin.
Nagpahayag naman ng kahandaan ang Animal Kingdom Foundation para tumulong sa pagsasampa ng kriminal na reklamo laban sa mga indibidwal o grupong sangkot dito.
Kinondena rin ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang posibleng panloloko ng pet crematorium na nasa likod ng insidente sa Bulacan.
Sa pahayag, sinabi ng PAWS na posibleng sinabihan ng crematorium ang mga pet owner na na-cremate na ang kanlang mga alaga kahit hindi naman.
“Based on the comments from affected pet parents, the crematorium allegedly represented that the animals had been cremated, knowing that this was false and induced pet parents to pay for the service,” sinabi ng PAWS.
Ayon sa PAWS, bagamat hindi nilalabag ng pagtatapon ng labi ang Animal Welfare Act lalo’t kung patay na ito, ang panloloko ay maaaring katumbas ng estafa sa ilalim ng Article 315(2)(a) ng Revised Penal Code.
“Pet parents paid for a service that was supposed to provide their beloved companions with a dignified farewell. Instead, their remains were reportedly dumped like garbage in a vacant lot. This is not merely a failure to deliver a service but constitutes Estafa by means of deceit,” sinabi ng PAWS. RNT/JGC