Home NATIONWIDE Walang exception sa pagbusisi ng Senado sa 2027 budget – Lacson

Walang exception sa pagbusisi ng Senado sa 2027 budget – Lacson

2
0

MANILA, Philippines – Walang palulusutin ang Senado sa pagbusisi sa mga kwestyonableng alokasyon sa House-approved version ng 2027 General Appropriations Bill (GAB).

“Ang attitude namin sa ngayon, gung-ho. Kung masagasaan, masagasaan. Kung magbigay ng exceptions to the rule minsan ang exceptions ang nagiging general rule,” sinabi ni Senador Panfilo Lacson.

Kinumpirma ni Lacson na kabilang sa mga mahigpit na bubusisiin nila ay ang malaking alokasyon ng infrastructure budget sa ilalim ng congressional district ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

“Kasi pag nagkaroon tayo ng exception to the rules maraming hihingi ng exceptions. Tapos di yan mag-succeed kasi diyan nagsisimula. Pag may tinitingnan at di tinitingnan diyan magsisimula ang pagba-bargain,” paliwanag ni Lacson.

Nakatakdang magbalik ang plenary sessions sa Senado sa Nobyembre 9 kung saan tatalakayin ng mga senador ang budget bill para sa susunod na taon.

Ani Lacson, maaaring imbitahan ang civil society organizations para personal na bantayan ang bicameral conference committee proceedings at ipahiya ang mga mambabatas na gumawa ng kwestyonableng budget insertions.

“Hindi lang maging vigilant kundi mag-resort na sa shaming. Kasi minsan talagang wala na ring kahihiyan ang iba. Pagkatapos ng flood control project anomalies, ghost projects, eto na naman tayo kanya kanyang singitan,” sinabi ni Lacson.

Idinagdag pa na sinusuri na ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) ang subcommittee reports at inaasahang makukumpleto ito sa pagpapatuloy ng plenary session.

“Para pagdating sa plenary nakakamada na yan at dun kami mag introduce ng amendments. At pwede naming kaltasin ang lumobo sa HGAB,” aniya.

Nanawagan din ito sa re-engineering ng budget process, na magsisimula sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), para tugunan ang umano’y “political patronage” sa proceedings. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here