MANILA, Philippines – Halos isang milyong Pinoy ang nakinabang mula sa rice-for-all initiative ng administrasyong Marcos noong Setyembre.
Sa datos ng Department of Agriculture (DA), nasa kabuuang 961,346 beneficiaries ang naitala noong Setyembre na pinakamataas na turnout para sa programa sa buwanang basehan.
Bumili ang mga ito ng nasa 21.4 milyong kilo ng locally produced rice.
Ang pinakahuling rekord na naitala ay noong Abril sa 838,695 benepisyaryo.
“This year alone, from January to the end of September, the P20-per-kilo rice program has directly helped over 5.6 million Filipinos ease the pressure on their wallets, while helping local farmers secure a higher price for their palay from the NFA,” saad sa pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Nakapagbenta naman ng 135.98 milyong kilo ng bigas ang programa mula Enero hanggang Setyembre.
Ang programa ay tatagal hanggang Hunyo 2028, ayon sa DA.
Ang P20/kilo na bigas ay flagship campaign promise ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT/JGC