Home NATIONWIDE Bangsamoro Parliament binati ng OPAPRU

Bangsamoro Parliament binati ng OPAPRU

1
0

MANILA, Philippines – Binati ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang mga bagong halal na lider ng Bangsamoro Parliament kasabay ng pagsisimula ng unang regular parliamentary government sa rehiyon.

Sa isang pahayag nitong Sabado, Oktubre 31, binati ni Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen S. Sarmiento ang mga bagong lider ng Parliament na pinamumunuan ni Chief Minister Abdulraof Macacua at Parliament Speaker Amer Zaakaria Rakim.

Binati rin niya ang pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ang Parliament sa matagumpay na pagsasagawa ng kanilang inaugural session noong Oktubre 30.

Binigyang-diin ni Sarmiento ang kahalagahan ng pagkakaisa, paggalang sa magkakaibang pananaw at bukas na dayalogo upang mapanatili ang pagkakaisa ng mga komunidad sa rehiyon.

Hinimok din niya ang mga miyembro ng Parliament at mga lider-rehiyon na isulong ang mabuting pamamahala at magtulungan para sa kapakanan ng lahat ng mamamayan at pagpapatuloy ng mga benepisyo ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.

Ayon kay Sarmiento, muling pinagtitibay ng OPAPRU, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang buong suporta ng pambansang pamahalaan sa regional government sa paglipat nito sa regular na parliamentary governance.

Binigyang-diin din niya na dapat pagtuunan ng bagong pamahalaan ang pagpapatupad ng mga programa at paghahatid ng mahahalagang serbisyo, partikular sa mga liblib, hindi pa maunlad at bulnerableng komunidad.

Dagdag pa niya, ang tunay na tagumpay ng makasaysayang pagbabago sa pamamahala ay masusukat sa kung paano nito mapapabuti ang buhay ng mga mamamayan, mapalalakas ang tiwala ng publiko at maisusulong ang kapayapaan at kaunlaran.

Nagpasalamat din si Sarmiento sa mga puwersang panseguridad at mga mekanismo ng kapayapaan na tumulong upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng inaugural session. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here