Home OPINION MAY ITATALAGA BANG BAGO SA LTFRB?

MAY ITATALAGA BANG BAGO SA LTFRB?

1
0

MATAPOS magkaroon ng bagong pinuno ang Land Transportation Office at Maritime Industry Authority, marami ang nag-aabang kung magkakaroon din ng pagbabago sa pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Sa kasalukuyan, kumpleto pa rin ang LTFRB Board. Si Board Member Atty. Greg Pua Jr. ang nagsisilbing Acting Chairman dahil suspendido ng Ombudsman si Chairman Atty. Vigor Mendoza. Ang isa pang Board Member ay si Engr. Isagani M. Victorio.

Itinatag ang LTFRB sa ilalim ng Executive Order 202 na inilabas ni dating Pangulong Corazon Aquino. Binubuo ang pamunuan nito ng isang Chairman at dalawang Board Member na presidential appointees, batay sa rekomendasyon ng kalihim ng Department of Transportation.

May partikular na kwalipikasyong pang-edukasyon at propesyonal na karanasan ang mga maaaring italaga sa Board. Ayon sa Executive Order 202, ang isa ay dapat abogadong may hindi bababa sa limang taong pagsasagawa ng abogasya; ang isa ay civil engineer na may limang taong karanasan; at ang isa naman ay may degree sa economics, finance o management, gayundin ng limang taong karanasan.

Maaaring abogado, engineer o CPA-lawyer ang isang itatalaga, basta’t pasok sa itinakdang larangan at kwalipikasyon. Maaari ring dating kongresista, kung natutugunan ang mga rekisitong ito.

Paano kung law degree lamang ang taglay? Hindi sapat iyon maliban kung mayroon ding kinakailangang kwalipikasyon sa economics, finance o management, o pagiging civil engineer. Hindi nangangahulugang sapat nang kumuha ng ilang subject sa law school upang matugunan ang rekisito.

Paano naman kung acting chairman lamang? Maaaring igiit na hindi kailangan ang naturang kwalipikasyon dahil pansamantala ang pagtatalaga. Gayunman, mahalagang malinaw na matugunan ang mga naaangkop na ligal na rekisito.

Higit sa lahat, mas mainam na may malawak na karanasan sa land transport ang sinomang mamumuno sa LTFRB.

Kung may bagong itatalaga ang Pangulo, sana’y makatulong ito sa paglutas ng mga problema sa transportasyon, hindi para lamang magkaroon ng pwesto sa gobyerno habang naghihintay ng eleksyon upang tumakbo sa ibang posisyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here