ITINUTURING na ng marami na isang “lame duck” si Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Hindi na kasi sila nasisiyahanan sa kanyang mga iginagawi at ginagawa.
Batay sa pinakabagong sarbey ng Tangere na isinagawa nitong November 16 hanggang 18, 2026, si Pangulong Bongbong ay mayroon lamang 25% satisfaction rating at 27% trust rating o 60% dissatisfaction at 60% distrust ratings.
Katumbas ito ng negative 35 net satisfaction rating at negative 33 net trust rating, pinakamababa sa limang matataas na opisyal ng gobyerno na sinarbey.
Gaya ng nakasanayan, ipinagkibit-balikat lang ng Malacañang ang resulta ng sarbey. Pilit na inililigtas ang reputasyon ng Pangulo, ngunit kahit anong gawin nilang baluktot, hindi maitatago ang kawalan na ng kasiyahan at tiwala ng publiko sa Pangulo.
Sobrang binigo kasi ni PBBM ang taumbayan na makapaghatid ng malinaw na direksyon at mahahalagang aspeto ng pag-unlad ng bansa.
Maraming ekonomista at pinuno ng mga industriya ang naglahad na ng kanilang pagsusuri sa ating ekonomiya. Karamihan sa kanila ay dismayado at hindi na maitago ang pagkadesperado sa kawalan na ng pag‑asa sa gobyernong Marcos.
Malinaw ang dahilan: Kawalan ng kakayahan ni PBBM na ipatupad ang mga mahahalagang reporma.
Nakikita ito sa mahinang pagpasok ng mga pamumuhunan, patuloy na paglaki ng utang, mahinang paglago ng pagmamanupaktura, pagbaba ng kinikita mula sa pagluluwas ng mga produkto, at ang nakahihiyang katayuan na pang‑pito sa pinakamababa ang ranggo ng Pilipinas sa Human Development Index sa loob ng ASEAN.
Noong 2022, kinikilala pa ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamabilis lumagong ekonomiya sa buong mundo. Pero nawala na ang ganitong pagkilala dahil sa mga hamon sa ilalim ng pamumuno ni PBBM. Bumagal taon‑taon ang ekonomiya simula noong 2022 at umabot pa sa pinakamababang antas na 4.4 porsyento noong 2025.
Sa kasalukuyan, mas kilala na ang Pilipinas sa ibang dahilan…isang bansa na may pinakaraming politikong mandarambong sa kaban ng bayan.
Isang bansang opsyonal na lamang ang pagsunod sa batas; hindi naparurusahan ang mga makapangyarihang magnanakaw; nakalulusot ang mga gumagawa ng masama; mas kumikita pa ang mga kriminal; at kawalan na ng kahusayan ng pamahalaan.
Kilalang-kilala na tayo sa ibang bansa, hindi sa kahusayan kundi sa kahihiyang dulot ng mga kawatang politiko.
Kilala ang Pilipinas sa mga politikong sakim, mga pinunong tinitingnan ang estado hindi upang palaguin ang ekonomiya, kundi para pagnakawan ang kabang-yaman.
At sa gitna ng lahat ng ito, walang ginagawa si PBBM kahit magulo na ang mga institusyon, ayaw magpatupad ng tunay na reporma.
Siya ay may pananagutan din dahil sa mga “pagpapalusot sa mga badyet” ng kanyang mga kakampi sa Kongreso at Senado na kanyang pinapayagan.
Pagkatapos ng mahigit apat na taon kung saan ay unti-unti nang “nauupos” ang nalalabi niyang panahon sa poder, wala pang maipagmamalaking makabuluhang kontribusyon si PBBM sa pag‑unlad ng bansa.
Walang siyang malalaking proyekto sa imprastraktura na magbabago sa takbo ng ating bansa. Ang tangi lang niyang nakamit ay ang titulo niyang Pangulo na siya lamang ang nakinabang, ang kanyang pamilya at mga kaibigan.






