MULING binuhay ang mga proyektong kontra-baha para sa susunod na taon o 2027 makaraang bumagal ang pagsasagawa ng mga ito ngayong taon dahil sa natuklasang nasa P1.3 trilyong nakawan sa pondo sa nakalipas na apat na taon.
Sa panukalang badyet sa 2027 ng Department of Public Works and Highways na P644 bilyon, nasa P107.4B ang kabuuang halaga ng mga proyektong kontra-baha.
May pondo rin dito ang Metropolitan Manila Development Authority na P3.4B at higit na kalahati ito sa kabuuang pondo nito na P6.56B.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund naman, may ₱45.67B.
Siyempre pa, hindi kasali rito ang mga kontra-bahang proyekto ng mga local government unit na hindi malinaw kung magkano bagaman personal nating nakikita ang mga ito na isinasagawa ng mga munisipyo at barangay.
Kalakhan sa pondo ng mga ito ang galing sa National Tax Allotment na para sa 2027, may ₱1,319,834,557,000 at mas mas malaki ito para sa 2026 na P1.19T.
Hinahati ang NTA sa 34% para sa mga munisipyo, 23% sa mga lalawigan, 23% sa mga lungsod at 20% sa mga barangay.
Walang tiyak na pondo ng LGUs na inilalaan sa anti-flood projects pero meron at meron gaya ng paggawa ng drainage canal, desiltation o pagkalkal at pag-alis ng bumabara sa ilog o sapa at pagbili ng iba’t ibang makinarya gaya ng sa pumping station.
Sinasabing titiyakin ngayon ng pamahalaan na walang magaganap na anomalya gaya ng ghost at substandard projects at umaasa tayong gagawin nila ito.
Pero sino ang makapagsasabing walang mga nakawang magaganap?
Sa municipal at barangay projects nga lang, 30% ang inilalaan para sa labor ngunit dinaraan sa bayanihan at binubulsa ang 30% na ‘yan ng mga opisyal ng munisipyo at barangay.
Ang 20-30% kikbak ng mga kongresman, senador at taga-Palasyo, mawawala na nga ba?






