HINDI na sapat ang tradisyonal na industriya kung nais ng Pilipinas na makasabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa buong mundo. Kaya naman pinag-uusapan sa Kamara ang pagtatayo ng malaking artificial intelligence (AI) hub sa New Clark City, Capas, Tarlac, na ngayon ay kinukuwestiyon dahil sa mga insentibong nakapaloob sa panukala.
Ayon kay Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, walang dapat ikabahala sa proyekto na layong gawing sentro ng advanced industries ang lugar at makatulong sa pag-angat ng ekonomiya.
Sa ilalim ng House Bill No. 11758 o Pax Silica Bill, itatatag ang Advanced Industries Zone at bubuuin ang Advanced Industries Development Authority na mangangasiwa sa operasyon at pagpapaunlad nito.
Paliwanag ni Valeriano, kailangang magbigay ng mga insentibo upang mahikayat ang malalaking dayuhang mamumuhunan na magnegosyo sa bansa. Karaniwan na aniya ang tax incentives sa iba’t ibang panig ng mundo upang makahikayat ng kapital, lumikha ng trabaho at mapabilis ang pag-unlad.
Pero hindi dapat balewalain ang mga tanong hinggil sa pitong taong income tax holiday, karagdagang tax breaks, VAT exemption at duty-free privileges na nakalaan sa mga kumpanyang papasok sa proyekto.
Dapat malinaw sa gobyerno kung ano ang kapalit ng mga pribilehiyong ito. Ilang trabaho ang malilikha para sa mga Pilipino? Gaano kalaki ang maiaambag sa ekonomiya? Paano mapangangalagaan ang mga residente at katutubong komunidad sa lugar?
Mahalagang mapakinggan ang paliwanag ni Valeriano, isa sa mga may-akda ng HB 11758, kasama ang iba pang kongresista. Gayunman, nararapat ding masusing suriin ang bawat probisyon upang matiyak na hindi masasayang ang pagkakataong pakinabangan ng bansa ang proyekto.
Sa Disyembre 15 nakatakdang talakayin sa pagdinig ng Kamara ang panukala. Dito dapat masagot ang mga katanungan ng publiko, lalo na kung sino ang tunay na makikinabang.
Hindi masamang mangarap na maging sentro ng makabagong teknolohiya ang Pilipinas. Ngunit dapat tiyakin na ang mga insentibong ibibigay sa dayuhang mamumuhunan ay may katumbas na trabaho, oportunidad at pangmatagalang pakinabang para sa mga Pilipino.






