Home OPINION MAYOR CUP 2027, MAGPAPASIGLA SA PALAKASAN AT PAGKAKAISA SA ALTAVAS

MAYOR CUP 2027, MAGPAPASIGLA SA PALAKASAN AT PAGKAKAISA SA ALTAVAS

1
0

MAGIGING daan sa pagpapasigla ng palakasan at pagpapatibay ng pagkakaisa sa bayan ng Altavas ang pagsasagawa ng Mayor’s Cup 2027, na pangungunahan ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Denny D. Refol Sr.

Isasagawa ang inaugural Mayor’s Cup mula Disyembre 12, 2026 hanggang Enero 10, 2027, tampok ang limang pangunahing disiplina: basketball, volleyball, pickleball, baseball at sepak takraw.

Makikilahok dito ang mga atleta at koponan mula sa iba’t ibang barangay upang ipamalas ang kanilang talento, kakayahan, disiplina at sportsmanship.

Layunin ng paligsahan na higit pang mapaunlad ang kakayahan ng mga lokal na atleta, maitaguyod ang kahalagahan ng sports at mapalakas ang samahan ng bawat barangay sa pamamagitan ng palakaibigang kompetisyon.

Palakasan, daan sa pagkakaisa at malusog na pamumuhay bukod sa kompetisyon, hangad din ng programa na mahikayat ang mga mamamayan, mula kabataan hanggang senior citizen, na maging aktibo sa iba’t ibang uri ng palakasan at magkaroon ng mas malusog na pamumuhay.

Ayon kay Mayor Refol, mahalagang instrumento ang sports sa pagbubuklod ng mga mamamayan, anoman ang kanilang edad, barangay o pinagmulan.

Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga Altavasnon na maipakita ang kanilang mga talento at malinang ang kakayahan sa larangan ng palakasan.

Binigyang-diin din ng alkalde na hindi lamang pagkapanalo ang pangunahing layunin ng paligsahan. Mahalaga rin ang paghubog ng malusog na pangangatawan, matatag na pagkatao, disiplina at mas nagkakaisang komunidad.

Hinimok niya ang mga atleta at tagasuporta na makilahok nang may paggalang sa kalaban, pagsunod sa mga alituntunin at pagmamalaki sa sariling bayan.

Inaanyayahan ang lahat ng residente, atleta at mahilig sa sports na suportahan ang Mayor’s Cup 2027.

Sa pamamagitan ng paligsahan, inaasahang lalawak ang interes sa palakasan, mas mahuhubog ang talento ng mga lokal na atleta at higit na titibay ang pagkakaisa at pagmamalaki ng mga Altavasnon sa kanilang bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here