NANAWAGAN si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis N. Tolentino sa mga
employers at human resource (HR) practitioners na agad ihanda ang kanilang mga manggagawa sa
pagpasok ng artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya, kasabay ng paggiit na hindi
dapat maisakripisyo ang trabaho, karapatan, at dignidad ng mga empleyado.
Ibinahagi ni Tolentino ang mensaheng ito sa Philippine Daily Inquirer’s What Works at Work Summit 2026
na ginanap noong Nobyembre 23 sa Pasay City na may temang, “The New Work Equation: People ×
Technology × Performance.”
Ang panawagan ay sumusuporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makabuo ng
future-ready na manggagawang Pilipino sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan Plan 2025–2034, na
nagbibigay-prayoridad sa upskilling at reskilling para sa mga umuusbong na trabaho.
Tao ang Dapat Manatili sa Sentro ng Pagbabago
Ayon kay Tolentino, bagama't may ilang trabahong maaaring mabago o mapalitan dahil sa teknolohiya,
malinaw ang paninindigan ng DOLE na ang pag-unlad ay hindi dapat maging kapalit ng kapakanan ng
mga manggagawa.
"We must approach AI with a clear principle: technology must move businesses forward, but people must
be at the center," pahayag ng kalihim, sabay diin na ang isang future-ready workplace ay dapat ding
maging isang disenteng lugar ng paggawa.
Maagang Pagsasanay at Strategic Role ng HR
Hinikayat din ng kalihim ang mga business leaders at HR professionals na pangunahan ang paghahanda
sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano makaaapekto ang mga bagong teknolohiya sa mga
kasalukuyang posisyon at pagtukoy sa mga bagong kasanayang kakailanganin ng mga empleyado.
Binigyang-diin sa summit na idinaos kasabay ng PH Best Employers 2027 Awards katuwang ang Statista
na bagama’t kayang gawin ng teknolohiya ang mga routine tasks, mananatiling mahalaga ang papel ng
tao sa tamang pagpapasya, paglutas ng mga kumplikadong problema, pagiging malikhain, at pagbuo ng
maayos na ugnayan sa trabaho.
Sa ilalim ng pamumuno ni Tolentino, patuloy na makikipagtulungan ang DOLE sa pribadong sektor upang
matiyak na ang teknolohiya ay lilikha ng mas magagandang trabaho at hindi magbabawas ng
hanapbuhay para sa mga manggagawang Pilipino.






