HABANG papalapit ang Kapaskuhan, kapansin-pansin na ang pagiging abala ng bawat pamilyang Pilipino. Nariyan ang paglilista ng mga bibilhing regalo, paghahanda ng pagkain, paglilinis at pag-aayos ng tahanan, pagpaplano ng reunion at iba. Para sa may kakayahan, panahon ito ng masaganang handaan. Para naman sa kapos sa buhay, isa itong panahon ng pagtitipid at paghahanap ng paraan upang may maihain sa hapag at maitawid kahit papaano ang okasyon.
Hindi naman kailangang magarbo ang Pasko upang maging makabuluhan. May mga simpleng paghahandang dapat unahin tulad ng paglilinis ng bahay, maagang pagbabadyet, paghahanda ng abot-kayang pagkain, paglalaan ng oras sa pamilya at, higit sa lahat, pagpaplano upang maisaayos ang anomang hindi pagkakaunawaan. Dear readers, Hindi nasusukat sa halaga ng regalo o sandamukal na handang pagkain ang pagiging matagumpay ng okasyong ito.
Sa pag-usbong ng bagong henerasyon, mapapansin ang bagong paraan ng pagdiriwang. Usong-uso na ngayon ang online shopping, digital greetings, cash gifts at virtual reunions. Walang masama rito dahil bahagi ito ng pagbabago ng panahon. Ika nga ng mga GenZ, “goods na iyan.” Subalit hindi sana tuluyang mawala ang magagandang kaugaliang minana natin sa nakaraan tulad ng pagmamano sa nakatatanda, pamamasko, pagbibigayan, bayanihan, pagdalaw sa mga kamag-anak at pakikipagkasundo sa mga taong nakasamaan ng loob.
Nararapat lamang buhayin ang diwa ng pagkakapantay-pantay. Sa Pasko, walang mayaman o mahirap, walang mataas o mababa. Lahat ay karapat-dapat makatanggap ng respeto, pagmamahal at malasakit. Hindi dapat maging sukatan ng ating pakikitungo ang estado sa buhay ng isang tao. Equality at fairness ang dapat i-flex.
Sa panahong tila nagiging kompetisyon na ang handaan at mga regalo, mas mainam na balikan natin ang tunay na mensahe ng Kapaskuhan. Imbes na ituon ang atensyon sa pagpapasikat at walang katapusang kompetisyon, wagas pa rin kung naka-focus tayo sa sportsmanship, pagpapaubaya, pagbibigay, pagpapatawad, pagmamalasakitan at pagmamahalan.
Para sa inyong lingkod, ang pinakamagandang handog sa taunang Pasko ay hindi ang pagbibigay o ang pagkakaroon ng mga materyal na bagay—kundi ang lubos na pagtanggap sa Panginoong Hesukristo na nagsakripisyo at nagturo sa ating lahat na lingunin, isagawa at ipamahagi sa ating kapwa ang mga Banal na Salita ng ating Amang Diyos na si Yahweh, Jehovah, Allah—Diyos ni Jacob, David, Solomon, Moises at Noah, at Diyos nating lahat, ngayong nalalapit na Kapaskuhan.






