Home OPINION ONE SIDE PARKING, DAGDAG-PROBLEMA, ‘DI SOLUSYON

ONE SIDE PARKING, DAGDAG-PROBLEMA, ‘DI SOLUSYON

2
0

DAHIL sa kakulangan ng parking space, maraming may-ari ng sasakyan ang napipilitang pumarada sa kalsada. May sasakyan nga, pero walang garahe o sapat na espasyo sa bahay. May garahe man, hindi naman kasya ang lahat ng sasakyan.

Sa public transport, mandatory ang proof of garage ng operator. Pero pagsapit ng gabi, makikita pa rin ang mga sasakyang nakaparada sa kalsada, at ang iba ay sa malalapad na bangketa.

Dahil dito, maraming barangay ang nagpatupad ng ONE SIDE PARKING. Sa ibang lugar, may iskedyul kung saang panig maaaring pumarada. Ngunit tila hindi na ito naipatutupad nang mahigpit.

Nagdudulot din ito ng alitan ng magkakapitbahay. May mga residenteng itinuturing na eksklusibong parking space ang tapat ng kanilang bahay, kahit hindi nila pag-aari ang kalsada. May nag-iiwan pa ng mga bagay upang hindi ito maparadahan ng iba. May mga driveway ding nababarahan, at may barangay na naniningil sa paradahan sa kalsada.

Bakit maraming problema sa ONE SIDE PARKING? Hindi naman dapat gawing garahe ang kalsada, ngunit dahil walang maparadahan, nagiging band-aid solution ito sa kakulangan ng parking facilities.

Kung halos lahat ng bahay sa magkabilang panig ay may sasakyan, paano magkakasya ang mga ito sa iisang panig, lalo na kung may mga driveway na dapat igalang? First come, first served ba? Ang masama, may nagre-reserve na ng puwesto kahit wala pa ang kanilang sasakyan.

May mga panukalang batas sa Kongreso na naglalayong gawing requirement ang proof of parking bago bumili ng sasakyan, ngunit hindi pa rin nagiging ganap na batas. Hindi rin madaling ipagbawal o limitahan ang pagbili ng sasakyan.

Sa mga subdivision, may mga residenteng hindi na magkasya sa garahe ang maraming sasakyan, kaya nagpapatupad ng sariling parking policies ang ilang homeowners association.

Iminungkahi ring mag-imbentaryo ang barangay ng mga bakanteng lote para gawing parking area o makipag-usap sa mga mall para payagan ang overnight parking. Ngunit kung gusto ng car owner ay sa tapat mismo ng bahay at libre pa, mahirap maisakatuparan ang mga alternatibong solusyon.

Hangga’t walang mas epektibong solusyon, mananatili ang ONE SIDE PARKING. Ngunit dapat tandaan na HINDI PAG-AARI ng mga residente ang KALSADA at hindi nila ito pwedeng ANGKININ bilang EXCLUSIVE PARKING SPACE.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here