Home OPINION BAWAS-TESTIGO SA IMPEACHMENT; BAKIT?

BAWAS-TESTIGO SA IMPEACHMENT; BAKIT?

2
0

SAAN kaya patutungo ang paglilitis sa kasong impeachment ni Vice Preident Sara Duterte?

Kung mapapansin ninyo, mga Bro, pareho ang prosekusyon at depensa na nagbawas ng kani-kanilang mga testigo at iba pang mga ebidensya.

Ang prosekusyon, hindi lang testigo at mga ebidensya ang binawasan kundi mismo ang mga isinampa nilang kaso.

Apat ang kabuuan nilang kaso ngunit iniatras nila ang tatlo kaya iisa na lamang ang natira at ‘yun ang Unexplained Wealth o hindi umano maipaliwanag na yaman ni VP Sara.

Para sa unang mga araw ng Disyembre, dalawa rin lang ang mga testigo na ihaharap ng depensa.

At sa mga susunod na araw, iilan na lamang ang matitira nitong testigo mula sa dating 8-10.

Pareho ang magkabilang panig na nagsasabing gusto nilang mapadali ang paglilitis at hindi uubusin ang panahon nang walang katuturan at para hindi masayang ang salaping bayan.

BAKIT KAYA?

Pareho ang magkatunggali na may mga mahalagang dahilan ng pagpapaigsi ng paglilitis.

Kung ano-ano ang mga dahilan, sila-sila lang ang nakaaalam.

Ngunit tiyak tayo na may kanya-kanyang pag-asa na manalo, mahaba man o maigsi ang paglilitis.

Para sa prosekusyon, conviction o deklarasyong guilty o may sala si VP Sara.

Kabaligtaran naman nito ang sa depensa at umaasa ito ng acquittal o pagpapawalang-sala.

NAGLALARONG SENATOR-JUDGES PINAKAMAHALAGA
Naghahalong ligal at judicial, pulitikal at panlipunan ang mga kinokonsidera sa pagpapasya.

‘Yun bang === hindi lang usapin ng ebidensya sa paratang o depensa ang magiging batayan ng mga senator-judge ng kanilang pagpapasya para sa conviction o acquittal.

Sa halip, baka mas malakas umano ang pampulitikang interes ng mga ito kaysa sa ligal at judicial na usapin kaya isasantabi ng mga ito ang usapang ebidensya.

Ang tiyak, kahit bago pa masimulan ng paglilitis, may pumosisyon na para sa conviction o acquittal.

Kung gaano karami ang mga ito sa magkabilang panig, ‘yan ang hindi malinaw/.

Ngunit marami ang naniniwala na hindi sapat ang bilang ng mga para sa conviction na, sabihin nating 14, at hindi rin sapat ang bilang ng mga para sa acquittal.

Sinasabing may 4-5 senator-judge ang naglalaro para sa conviction o acquittal at iniisip ng mga ito ang epekto ng kanilang boto sa mga susunod na panahon.

Itong 4-5 senator-judge ngayon ang sinasabing pinakamahalagang usapin dahil sila ang inaasahan ng prosekusyon o depensa na magpapanalo o magpapatalo sa kanila.
Maaaring makasama o makabuti sa senator-judge na ito ang kanilang pagpapasya kaugnay, halimbawa, ng halalang presidensyal sa 2028…kung matutuloy.

At dito higit na nauugnay ang panlipunan-pampulitikang usapin sa parte ng taumbayan na magpapasya sa nasabing halalan na napakahalaga rin.

‘Yun bang === nakasalalay sa boto ng taumbayan sa 2028 ang tagumpay o pagbagsak ng mga muling kakandidatong senador.

BAGO MAG-PASKO O UNANG LINGGO NG 2027

Maaari umanong magkakaroon na ng pagpapasya ng mga senator-judge bago sa Disyembre 18, 2026 adjournment o pagtigil ng sesyon ng Kongreso para sa Kapaskuhan ngunit maaari rin sa unang linggo ng 2027.

Pero ang pinakahalaga, may mga senator-judge talaga na inaasahang daragdag para higit na matimbang ang panig ng prosekusyon o depensa.

Lalo na kung maihahabol sa tamang panahon ang desisyon ng Supreme Court kung 14 o 16 ang boto para conviction.

Para sa inyo, mga Bro, gusto niyo bang ma-convict o ma-acquit si VP Sara?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here