PASIL, Kalinga.- Patay ang dalawang sundalo habang sugatan ang apat na iba pang kasamahan matapos na tamaan ng kidlat habang sila’y nagsasagawa ng manhunt operation sa mga kasapi ng New Peoples Army o NPA sa boundary ng Western Uma, Lubuagan at Balatoc, Pasil, Kalinga.
Kinilala ang dalawang nasawi na sina Corporal Andrew Monterubio ng Gamu, Isabela at Private First Class Inmongog Aronchay mula sa Sadanga, Mt. Province.
Habang ang mga sugatan ay sina Sgt Dennis Bananao ng Tanudan, Kalinga; PFC Melvin Danggalan ng Paracelis, Mt. Province, PFC Abegil Awingan mula sa Pinukpuk, Kalinga at PFC Riel Angya ng Pasil, Kalinga.
Dakong 4:30 ng hapon, nakaranas ng masungit na panahon ang nasabing probinsya at malalakas na pagkulog at pagkidlat na hindi naman naging hadlang sa tropa ng 54th Infantry Battalion sa kanilang isinasagawang manhunt operations o pagtugis sa mga makakaliwang grupo sa lugar.
Ngunit nauwi sa malagim na trahedya na hindi sa engkwentro namatay kundi tinamaan ng matalim na kidlat ang mga sundalo na ikinasawi nina Monterubio at Aronchay habang apat na uba pang kasamahan ang sugatan. Rey Velasco