Home OPINION RAFFY TULFO IN ACTION MARUNONG UMUNAWA

RAFFY TULFO IN ACTION MARUNONG UMUNAWA

HINDI lang naging mahusay na mamamahayag at action man itong ngayo’y Senador na si Raffy Tulfo subalit champion din ito sa pagtulong.

Gamit ang kanyang programang “Raffy Tulfo in Action” maraming natulungan sa ligal na paraan itong si Sen. Tulfo. Hindi lang mag-asawang naghiwalay, pulis na abusado, negosyanteng mandaraya at marami pang iba.

Subalit kamakailan ay nagtrending ang puna ng isang abogado at netizens dahil sa pagtulong ng programa nito sa isang teenager na inireklamo ang kanyang ama dahil sa hindi pagbibigay ng P500 sa bata.

Maaaring nagkamali ang programa sa pag-eere ng reklamo ng bata dahil sa layon ng mga ito na makatulong pero sa kabuuan, marunong umunawa ang programang  nagpasikat at pinangungunahan ng butihing senador.

Nasabi ng inyong Pakurot na marunong umunawa ang programang Raffy Tulfo in Action dahil hindi naman lahat nang lumalapit dito ay kanilang pinapaboran kapag nagrereklamo. Inaalam din naman ni Tulfo at mga staff nito ang sitwasyon bago umaksyon.

Noong nakaraang buwan, lumapit ang pamilya ng isang miyembro ng LGBTQ­+ na sinalvage sa Quezon City. Ang bangkay ng sinalvage na nakalagay sa isang sako ay bulok nang matagpuan kaya inabot ng halos isang linggo bago ito kinilala ng pamilya sa punerarya.

Dahil walang kakayahan ang pamilya na tubusin o i-pull-out ang bangkay ng biktima ng salvage, lumapit ang pamilya sa Raffy Tulfo in Action para makahingi ng discount sa punerarya na noong una ay tinakot-takot ng pamilya na irereklamo sa Tulfo para maipasara dahil sa mataas na singil.

Gayunman, dahil nakaiintindi si Sen. Tulfo at mga staff nito na negosyo ang ginagawa ng punerarya, tumawag ang mga ito para humingi ng discount na hindi naman natanggihan ng may-ari ng punerarya.

Ang maganda pa nito, hindi lang discount ang itinulong ng Raffy Tulfo in Action sa pamilya ng biktima subalit sinagutan ng mga ito ang gastos na sa madaling salita ang pull-out at service kasama ang cremation ay sinagot ng programa ni Sen. Tulfo.

O, hindi ba malaking tulong ang ginawa ng Tulfo in Action? Naunawaan nila na hindi lang discount ang pwede nilang itulong subalit mas higit pa. Hindi katulad ng ibang politiko na tatawag sa isang negosyo para sa discount kasama ang pananakot.

Sa pakikipag-usap, ang mga staff ni Tulfo ay magalang at nakauunawa sa pangyayari. Sana lang ang mga staff ng politiko na tumutulong sa mga nangangailangan ay maging katulad nila.

Salamat Raffy Tulfo in Action at hindi kayo ‘bias’ sa pagtrato sa mga nagnenegosyo.