MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang operasyon ng 26 na bus ng Victory Liner Inc. kasunod ng road crash sa Marcos Highway sa Barangay Taloy Sur, Tuba, Benguet, noong gabi ng Mayo 30.
Nag-isyu ang ahensya ng show-cause order at inatasan ang kompanya na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa kasunod ng insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakita na nakaranas ng mechanical trouble ang bus ng Victory Liner na patungong La Union habang binabagtas ang pataas na bahagi ng highway.
Dito na nabangga ng bus ang isa pang unit ng Victory Liner na bumibiyahe naman sa kabilang direksyon, at isa pang SUV bago tuluyang sumalpok sa barrier at tumagilid.
Isa ang nasawi sa insidente habang mahigit 90 ang sugatan.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, inatasan na ang regional office ng ahensya para imonitor ang kondisyon ng mga sugatan at masigurong makatatanggap ang mga ito ng tulong medikal.
Idinagdag pa ni Mendoza na ang LTFRB ay nakikipag-ugnayan din sa operator at insurance provider para mapabilis ang paglalabas ng claims sa mga biktima.
Ang suspensyon sa 26 na bus ay mananatili hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon. RNT/JGC