MANILA, Philippines – Kinilala ni United Nations (UN) Secretary-General António Guterres ang Pilipinas bilang isang “Pillar of Multilateralism” o mahalagang haligi ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansa sa buong mundo dahil sa konstruktibo nitong pakikipag-ugnayan sa United Nations sa gitna ng iba’t ibang pandaigdigang hamon.
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Guterres, araw ng Lunes sa sidelines ng ika-49 na ASEAN Summit and Related Meetings sa Maynila upang talakayin ang pagpapalakas ng ugnayan ng Pilipinas at United Nations.
Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang pagtataguyod ng international law, kapayapaan at seguridad, gayundin ang sama-samang pagkilos laban sa climate change.
Ibinahagi rin ni Pangulong Marcos ang mga naging pag-unlad sa katatapos na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at inilarawan ang proseso ng kapayapaan bilang pagdating sa isang mahalagang yugto ng katuparan.
Nagpasalamat din ang Chief Executive kay Guterres sa kanyang patuloy na pagsusulong ng mga programa para sa pangangalaga ng klima at sa pamumuno nito sa United Nations sa gitna ng masalimuot na kalagayan ng mundo.
Sa kabilang dako, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang matibay na paninindigan ng Pilipinas na palakasin ang pakikipagtulungan sa United Nations at sa iba pang bansa upang matugunan ang mga suliraning kinakaharap ng pandaigdigang komunidad.
Bilang tugon, pinasalamatan ni Guterres ang Pilipinas sa makabuluhan nitong pakikilahok sa mga usaping pandaigdig at muling kinilala ang bansa bilang isang mahalagang haligi ng multilateralism.
Ibinahagi rin niya ang pananaw tungkol sa mahalagang papel ng mga organisasyong panrehiyon tulad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), gayundin ang pangangailangan para sa mga reporma sa loob ng United Nations upang higit pang mapalakas ang organisasyon.
Sa kasalukuyan, nagsisilbing punong-abala ang Pilipinas sa ika-49 na ASEAN Summit na dinaluhan ng mga lider ng rehiyon at mahahalagang personalidad sa mundo, kabilang si United States President Donald Trump.
Layunin ng pagpupulong na talakayin ang mahahalagang usaping panrehiyon at pandaigdig na may direktang epekto sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng mga bansa.
Samantala, ang nasabing pagpupulong ay nagsilbing huling pagdalo ni Guterres sa ASEAN Summit bilang pinuno ng United Nations. Magtatapos ang kanyang ikalawa at huling limang taong termino sa Disyembre 31, 2026.
Ang pagkilalang ito mula sa United Nations ay nagpapakita ng mahalagang papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng diyalogo, pagkakaisa, pandaigdigang kooperasyon, kapayapaan, at sama-samang pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng buong mundo. (KRIS JOSE)