CEBU CITY, Philippines – Nagpahayag ng pangamba si Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy sa pagsali ng Pilipinas sa Pax Silica, dahil sa posibleng pangmatagalang epekto nito sa kalikasan, suplay ng tubig, enerhiya at pambansang interes.
Sa pahayag na inilathala sa kanyang social media account nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 16, kinuwestiyon ni Uy kung tunay na makikinabang dito ang karaniwang mga Pilipino o kung isasakripisyo lamang ng bansa ang likas na yaman nito habang ibang panig ang higit na nakikinabang.
Nilinaw ni Uy na hindi siya tutol sa artificial intelligence (AI) o pag-unlad ng teknolohiya. Kinikilala niya ang pakinabang nito sa edukasyon, komunikasyon, pananaliksik at pag-unlad ng tao. Aniya, gumagamit din siya ng AI, ngunit hindi nangangahulugang dapat awtomatikong suportahan ng bansa ang lahat ng kasunduan, polisiya o proyektong kaugnay nito.
Binigyang-diin ng arsobispo na limitado ang tubig, enerhiya at iba pang likas na yaman kaya dapat itong pangalagaan para sa kapakanan ng lahat, lalo na ng mahihirap at ng susunod na henerasyon.
Bilang pagtukoy sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato Si’, sinabi ni Uy na dapat kaakibat ng pag-unlad ng teknolohiya ang moral na pananagutan at pangangalaga sa kalikasan.
Hinimok niya ang mga lider ng pamahalaan na tiyakin ang transparency, magsagawa ng masusing pagsusuri sa epekto ng proyekto sa kalikasan at lipunan, at pangalagaan ang pambansang interes bago pumasok sa mga kasunduang maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto.
“True progress is not measured simply by how advanced our technology becomes, but by how well it serves humanity, protects the poor, and preserves God’s creation,” ani Uy.
Nanawagan din siya ng pag-unlad na gumagalang sa dignidad ng tao, nagtataguyod ng kabutihang panlahat at nangangalaga sa likas na yaman ng bansa. RNT/MDS