MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lider ng Southeast at East Asia na isalin sa konkretong hakbang ang kanilang kooperasyon upang mapangalagaan ang suplay ng pagkain at enerhiya sa rehiyon.
Sa pagbubukas ng 29th ASEAN Plus Three (APT) Summit, sinabi ng Pangulo na hindi dapat ipasa sa mga pamilyang nahaharap sa mataas na gastusin at mga negosyong hirap magpatakbo ang epekto ng mga pandaigdigang krisis at pagkaantala sa suplay.
Aniya, maaaring makaapekto agad sa mga bansa sa East at Southeast Asia ang mga sigalot at problema sa suplay sa malalayong lugar, sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng bigas at enerhiya at pagkawala ng kita.
Binubuo ang ASEAN Plus Three ng 11 miyembrong bansa ng ASEAN, kasama ang China, Japan at South Korea. Kabilang sa mga dumalo sina Japanese Prime Minister Sanae Takaichi, South Korean President Lee Jae Myung at Chinese Minister of Agriculture and Rural Affairs Zhang Zhu.
Binigyang-diin ni Marcos na kailangang matiyak na magbubunga ng kongkretong resulta ang kooperasyon ng mga bansa, partikular sa pagpapatuloy ng kalakalan at logistics sa karagatan at pagtiyak sa sapat na suplay ng mahahalagang produkto.
Tinukoy rin ng Pangulo ang Chiang Mai Initiative Multilateralization (CMIM) at ASEAN Plus Three Emergency Rice Reserve (APTERR) bilang mahahalagang mekanismo para sa katatagan ng ekonomiya at seguridad sa pagkain sa panahon ng mga emergency.
Ang CMIM ay kasunduang nagbibigay ng pautang sa pamamagitan ng pagpapalitan ng pera upang matugunan ang panandaliang kakulangan sa liquidity at problema sa balance of payments. Samantala, itinatag noong 2011 ang APTERR upang palakasin ang seguridad sa pagkain, mabawasan ang kahirapan at malnutrisyon, at makatulong na patatagin ang presyo ng bigas.
Ayon kay Marcos, higit na kailangan ang mga mekanismong ito sa gitna ng mga sigalot, pagkaantala sa suplay, kawalan ng katiyakan sa pananalapi at mga kalamidad.
Habang papalapit sa ika-30 anibersaryo ang ASEAN Plus Three partnership, hinimok niya ang mga lider na tiyaking direktang mararamdaman ng kanilang mga mamamayan ang mga benepisyo ng kanilang mga kasunduan. (KRIS JOSE)