Home OPINION FOUL JUDGMENT KAY SEN. PADILLA

FOUL JUDGMENT KAY SEN. PADILLA

ANO nga bang masasabi natin tungkol kay Senator Padilla? Para sa mga nega, ito ang dapat ninyong malaman: Bagama’t nagmula si Sen. Padilla sa isang larangang ibang-iba, malayo sa pinasok niyang pulitika, sa parehong industriya, isa siyang simbolo ng integridad at katapangan.

Ang hindi nagmaliw niyang paninindigan para sa katarungan, pinatunayan ng kanyang mga ipinaglaban na kadalasan ay nakapanig sa oposisyon sa panahon ni Marcos, sa kabila ng panganib sa personal niyang seguridad, ay nagpapakita nang walang bahid niyang moralidad.

Sakaling nakwestiyon ang kaalaman ni Padilla sa batas, dapat maipaalala sa lahat na ang dedikasyon niya sa mga Pilipino ang nagtulak sa kanya upang maging pangunahing arkitekto nang pagbabago sa Konstitusyon. Pruweba ito na ang inaasam ni Padilla na magkaroon ng demokratiko at makatarungang lipunan, ay laging mananaig.

Walang dudang napanatili niya ang may prinsipyo niyang panunungkulan, ipinairal ang batas habang nakikipaglaban para sa kalayaan. Gustuhin n’yo man o hindi, ang mga katangian niyang ito ay iniuugnay na sa kanyang pangalan, nag-ukit sa kanyang tunay na kabutihan sa kasaysayan ng bansa.

Sa kasalukuyan, nabalitaan ko kung paanong binabatikos si Padilla ng henerasyong ito ng mga social media thought peddlers dahil lang sa isang speech kung saan dahil sa kalituhan ay namali siya sa binanggit na pangalan. Wala namang perpekto at natural lang na magkamali minsan ang tao.

Grabe kayo sa pagkakaroon ng foul judgment, sa pamba-bash sa isang dakilang kasapi ng Kongreso — si Senator Ambrosio Padilla!

Teka nga pala, maiba tayo… pakisagot naman sa comments box ‘yung tungkol sa isang aktor na, ang balita ko, nagparating daw ng pakikiramay sa magkapatid na Cayetano sa Senado, dahil inakala niyang si Sen. Rene Saguisag, na pumanaw kamakailan, ay ama (Sen. Rene Cayetano) ng magkapatid?

Dapat na sigurong magpatingin sa utak ang taong iyon.

     Sino si Alice Guo?

Hindi dapat na nababalot ng misteryo ang pagkakikilanlan ng isang halal na alkalde ng Bamban, Tarlac, pero iyon nga mismo ang pambihira sa kaso ni Alice Guo.

Ngayong binubusisi ni Senator Risa Hontiveros ang citizenship ni Guo dahil ilang Chinese nationals sa Pilipinas ang pinagsususpetsahang namemeke ng dokumento at pinaghihinalaan bilang mga espiya, lumutang ang maraming katanungan.

Kasunod nang pagkalat sa social media ng lumang congratulatory messages mula sa China, malabo pa rin kung sino si Guo. Habang pinupuri siya sa mga ads bilang “Chinese-American” mayor, ang kawalan niya ng mga opisyal na record bilang Pilipino at mga kaduda-dudang koneksyon ay lalo lamang nakapagsususpetsa.

Ang pangamba ni Hontiveros sa kaugnayan ni Guo sa interes ng China at sa posibilidad ng ‘identity fraud’ ay nangangailangan ng masusing imbestigasyon. Sa panahong nakaalerto tayo laban sa mga dayuhang impluwensya, ang kaso ni Guo ay nagbibigay-diin sa kahalagahang masiguro ang soberanya at seguridad ng Pilipinas.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).