MANILA, Philippines – Matinding pinalagan nina Senador Vicente Sotto III at Erwin Tulfo na kapwa sila nakatanggap ng male-maletang salapi kay dating Rep. Zaldy Co bilang bahagi nang kinulimbat mula sa flood control scandal.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni Sotto at Tulfo na pawang walang katotohanan ang paratang ng 18 Marines na dumalo sa isinagawang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Senador Pia Cayetano.
“OMG, noon pa yan, sinabi ko I will not dignify such because I was not a senator from 2022 to 2025. The name mentioned na EA (executive assistant) ko daw na tumanggap ay si Mark. Mark died on 2015, ano ba?? Wag kayo patol nang patol,” ayon kay Sotto sa pahayag.
Sa kanilang testimonya, binanggit ng ilang Marines na tumanggap si Sotto ng male-maletang salapi mula kay Co na inihatid nila sa isang tanggapan ng dating senate president sa Baclaran, Pasay City.
Ayon kay Belhard Tube, kasama siya sa advance team na papunta sa isang gusali sa Baclaran na pawang opisina umano ni Sotto.
“I guided Co through the basement; he was with Mark Ticsay, Paul Estrada abd Dichoso,” ayon kay Tube na walang binanggit kung naghatid sila ng maleta o nakita niya mismo ang paghahatid ng maleta sa naturang senador.
Sinabi pa ni Bernard Gumban na naghatid sila ng maleta kay Sen. Erwin Tulfo ng dalawang beses na sa unang pagkakataon, isang maliit at isang medium size na maleta at anim na maliliit na maleta sa ikalawang pagkakataon.
“This was in his house in Greenhills, which he confirmed via asking Mark Ticsay abnd the contact in the house communicated to deliver the house. I entered the house and reached the basement while delivering,” ayon kay Tube.buhol
Mahigpit na pinabulaanan din ito ni Tulfo sa pagsasabing nagkaka-buhol-buhol ang statement ng Marines sa paratang na hindi nagkakatugma-tugma ang numero.
“Isang malaking kasinungalingan ang paratang ni Bernard Gumban, isa sa mga nagpakilalang 18 Ex-Marines, sa ginaganap na BOGUS BLUE RIBBON COMMITTEE HEARING,” ayon kay Tulfo na itinalagang chairman ng Blue Ribbon Committee sa grupo ni acting Senate President Pro-Tempore Sherwin Gatchalian nitong Miyerkoles.
“Sa sobrang daming kasinungalingan, siya mismo ay LITONG-LITO. Una, sabi niya sa kanyang naunang sinumpaang salaysay, nag-deliver raw siya sa akin ng anim na medium-sized na maleta,” ayon kay Tulfo.
Aniya, galing na mismo sa kanyang bibig kanina na dalawa (2) at anim (6) na maleta ang kanyang idinedeklara. Pangalawa, pati sa halaga ng diumano’y nilalaman ng mga maleta, NAGKAGULO-GULO NA. Sabi dati, kapag small, 15 to 25 million ang laman tapos ngayon, 20-25 million.
“Samantalang sa medium, 30 to 40 million sa affidavit, tapos 40-50 million naman ngayon. ANO BA TALAGA? Kapansin-pansin din na pili lang ang mga binanggit kahit na sa una nilang affidavit, marami ang idinawit nila. May mga dinagdag pa,” giit ni Tulfo.
“Ito ba ang sinasabi nilang IMPARTIAL investigation? Kapag kaalyado ligtas ka, kapag tagapagtuligsa, delikado ka? Hindi na ito isang simpleng imbestigasyon, ito ay isang malinaw at planadong propaganda laban sa aking pagkatao at reputasyon. Walang puwang sa Senado ang mga fake news at trolls. Sana nag-FB Live na lang kayo. Magkita-kita tayo sa lehitimong Blue Ribbon Committee Hearing,” paliwanag ng bagitong senador. Ernie Reyes