MANILA, Philippines – Nagsagawa ng protesta ang transport group na Manibela sa kanilang headquarters sa Nagtahan, Maynila nitong Martes, Nobyembre 17, upang tutulan ang pagtaas ng presyo ng langis at ang US-led Pax Silica initiative habang idinaraos sa bansa ang ika-49 na ASEAN Summit.
Kinuwestiyon din ng grupo ang inilaan na 22.9 bilyong pisong pondo para sa paghahanda ng pamahalaan sa summit at nagpahayag ng pangamba sa posibleng epekto ng mga kasunduang pang-ekonomiya at pampulitika sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Ayon sa Manibela, layunin ng protesta na mabigyan ng pagkakataon ang mga tsuper at operator na ipahayag ang kanilang hinaing sa pagtaas ng presyo ng gasolina, lumalalang krisis sa kabuhayan at mga kasunduang maaari umanong magpalalim sa pagdepende ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan.
Nanawagan din ang grupo na panagutin ang pamahalaan sa mga patakarang direktang nakaaapekto sa kabuhayan ng mamamayan, ekonomiya at soberanya ng bansa.
Sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na magpapatuloy ang kanilang protesta hanggang alas-4 ng hapon, kung kailan magpapasya ang grupo kung sasama sila sa iba pang pagkilos sa Liwasang Bonifacio at kung palalawigin ang protesta hanggang Miyerkules.
Nilinaw naman ni Valbuena na higit itong maituturing na suspensiyon ng operasyon kaysa transport strike dahil kakaunti umano ang pasaherong nasasakay.
Isinasagawa ang protesta kasabay ng ASEAN Summit at Related Summits na idinaraos sa Pilipinas mula Nobyembre 16 hanggang 18. Inaasahan ding darating sa bansa si US President Donald Trump nitong Martes upang dumalo sa summit.
Samantala, nagsasagawa rin ng sunod-sunod na protesta ang ilang koalisyon laban sa Pax Silica at pagbisita ni Trump dahil sa pangamba sa posibleng epekto ng inisyatiba sa kalikasan at mga katutubong komunidad. RNT/MDS