ANG kamakailang pahayag ni Labor Secretary Francis Tolentino hinggil sa matinding kakulangan ng labor inspectors sa bansa ay isang malinaw na paalala na kailangan ang patuloy na pagkilos at seryosohin ang pagpapatupad ng mga batas sa paggawa kabilang ang occupational safety and health.
Sa kasalukuyan, mayroon lamang humigit-kumulang 477 labor inspectors sa buong bansa na nangangasiwa sa libo-libong establisimyento sa 17 rehiyon. Sa Central Luzon pa lamang, 38 labor inspectors ang nakatalaga upang inspeksyunin ang mahigit 7,000 establisimyento at mga construction project.
Lalong naging matingkad ang problemang ito, dear readers, matapos ang pagbagsak ng isang gusali sa Angeles City, Pampanga, na nagdulot ng pagkasawi at pinsala sa mga manggagawa. Mantakin mo ba namang hinayaan ng kontraktor na gawing akomodasyon ang mismong construction site. Isa ito sa dapat solusyunan sa pamamagitan ng pagsulyap muli sa pinaiiral na mga batas sa kasalukuyan.
Dahil sa pangyayari, ipinahayag ng kalihim ang kanyang hangaring magdagdag ng mga labor inspector, kabilang ang pagsasanay sa mga potensyal na aplikante mula sa Technical Education and Skills Development Authority at paghiling ng karagdagang pondo mula sa Kongreso upang mapalakas ang labor inspection system ng Department of Labor and Employment.
Isang hakbang na dapat ding pag-isipan ng pamahalaan ay ang mas malawak na paghimok at pag-deploy sa mga DOLE-accredited Occupational Safety and Health Practitioner at Consultant bilang direkta at opisyal na katuwang sa inspeksyon at monitoring ng mga pribadong establisimyento. Kailangan lamang mapag-usapan kung paano ito maisasakatuparan. Siyempre, nasa kagawaran pa rin ang pinal na desisyon para sa ating mungkahi. Maaaring gayahin ng DOLE ang ginagawa ng ibang kagawaran na kumukuha ng private o freelance technical experts kung wala silang makuhang espesyalista sa kanilang hanay.
Sa ngayon, humigit-kumulang sa rehistradong 2,194 OSH practitioners at 562 OSH consultant ng kagawaran ang may sapat na kaalaman at karanasan sa pagtukoy ng mga panganib, pag-audit ng compliance, at pagbibigay ng teknikal na rekomendasyon upang maiwasan ang aksidente at sakit sa trabaho.
Bagama’t mananatiling tungkulin ng DOLE ang pagpapatupad at enforcement ng batas, maaaring magsilbing force multiplier ang mga accredited OSH practitioners at consultants upang mapalawak ang saklaw ng inspeksiyon, lalo na sa mga high-risk industries gaya ng konstruksyon, manufacturing, logistics, pagmimina at iba pa. Sa ganitong paraan, mas maraming lugar ng trabaho ang mababantayan at mas maagang matutugunan ang mga paglabag bago pa humantong sa trahedya.
Ang kaligtasan ng manggagawa ay hindi lamang responsibilidad ng gobyerno kundi ng buong lipunan. Ang pagdaragdag ng labor inspectors at ang epektibong pagdeploy ng mga accredited OSH professionals ay mahalagang pamumuhunan upang matiyak na bawat Pilipinong manggagawa ay makauuwi nang ligtas sa kanilang pamilya araw-araw.






