MANILA, Philippines – Personal na sinalubong ni Chinese President Xi Jinping at First Lady Peng Liyuan sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Shenzhen, China, nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 18.
Naganap ang pagtanggap sa mga lider at kanilang asawa bilang bahagi ng 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting.
Kabilang ang mag-asawang Marcos sa mga dumalo sa gala dinner at cultural presentation na pinangunahan ng Chinese leader.
Dumating si Marcos at ang delegasyon ng Pilipinas sa Shenzhen Bao’an International Airport bandang alas-5:30 ng hapon para sa dalawang araw na pagtitipon ng mga lider ng Asia-Pacific.
Kasunod ito ng pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong sa Maynila.
Nakatakdang talakayin sa APEC meeting ngayong Nobyembre 18 hanggang 19 ang mga usapin sa kalakalan, pamumuhunan, digital economy at pagpapalakas ng kooperasyong pang-ekonomiya sa rehiyon.
May temang “Building an Asia-Pacific Community to Prosper Together” ang pagpupulong ngayong taon na nilalahukan ng 21 member economies.
Nauna nang sinabi ni Marcos na layunin ng kanyang pagdalo sa APEC na magbukas ng mas maraming merkado para sa mga produktong Pilipino, makahikayat ng pamumuhunan at makalikha ng mga trabaho sa bansa. RNT