Home OPINION NAKULONG PERO WALANG SALA, MAY MAKUKUHANG BAYAD?

NAKULONG PERO WALANG SALA, MAY MAKUKUHANG BAYAD?

2
0

MAY batas para sa mga taong nakulong pero walang sala. Ito ang Republic Act No. 7309. “An Act Creating Board of Claims Under the Department of Justice for Victims of Unjust Imprisonment or Detention and Victims of Violent Crimes and Other Purposes.

Sa ilalim ng RA No. 7309, may karapatan sa kompensasyon ang mga taong unjustly accused, convicted and imprisoned ngunit kalauna’y pinalaya sa bisa ng hatol na nag-aabsuwelto sa kanila.

May Victims Compensation Program ang Department of Justice na pinangangasiwaan ng Board of Claims. Magkano ang kompensasyon? P1,000 kada buwan ng pagkakulong.

Halimbawa, si Pedro ay napagbintangang pumatay kay Juan. Nakulong siya, nilitis at kalauna’y absuwelto. Saklaw ba siya ng batas?

Hindi. Bakit? Dahil kailangang matugunan ang tatlong kondisyon: una, unjustly accused; ikalawa, convicted and imprisoned; at ikatlo, subsequently released by virtue of a judgment of acquittal.

Ibig sabihin, kailangang mahatulan muna siya ng pagkakakulong, at sa apela ay mabaligtad ang hatol at mapawalang-sala. Kung naabsuwelto siya nang hindi muna nahatulan, hindi siya saklaw ng nasabing probisyon.

Paano naman kung natapos na niya ang sentensiya sa bilangguan? Hindi pa rin siya awtomatikong kwalipikado sa ilalim ng probisyong ito. Ang mahalaga ay matugunan ang mga kondisyong itinakda ng batas, kabilang ang kalaunang pagkaabsuwelto.

Dito pumapasok ang tanong: hindi ba dapat na tulungan ang isang taong napatunayang walang sala, kahit hindi muna siya nahatulan? At kung natapos na niya ang sentensiya, hindi ba kailangan pa rin niya ng tulong upang makapagsimulang muli sa buhay?

Isa pang usapin ang halaga ng kompensasyon. P1,000 kada buwan ng pagkakakulong—sapat ba ito upang makabawi sa nawalang panahon, kabuhayan at pagkakataong makasama ang pamilya? Marahil, panahon nang repasuhin at amyendahan ang batas upang maging makatarungan ang tulong na ipinagkakaloob.

Maaari bang magpasa ang lokal na pamahalaan ng ordinansang tutugon sa mga hindi saklaw ng batas? Hindi nito maaaring baguhin ang RA 7309, ngunit maaari itong magpatibay ng mga programang naaayon sa Local Government Code at sa prinsipyo ng social justice, kabilang ang social welfare assistance at reintegration para sa mga maling napagbintangan.

Ang hustisya ay hindi lamang pagpapalaya sa inosente. Dapat ding bigyan siya ng pagkakataong makabangon at maibalik ang dangal na nawala sa kanya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here