DAPAT hindi magpapigil ang Senate Blue Ribbon Committee sa pag-iimbestiga sa kikbakan sa P1.3-P1.7 bilyong flood control program scandal sa nakalipas na tatlong taon.
Ang isang magandang balita, pinayagan ng Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada na makilahok sa imbestigasyon online dahil malinaw namang walang ligal na batayan para pagbawalan siya at kadedemanda lang niya at hindi convicted sa mga krimeng isasampa laban sa kanya.
Maging si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay pupwede ring makilahok sa imbestigasyon kahit online dahil wala pang malinaw na demanda laban sa kanya sa lokal na hukuman at kahit magkaroon pa, kung hindi siya mako-convict para alisan ng karapatang manungkulan sa pamahalaan, buo ang karapatan niya bilang lingkod-bayan.
Mula sa mga katotohanang ito, may kapangyarihan ang SBRC na magpatuloy sa imbestigasyon dahil hawak ito ng mayorya sa Senado.
At dahil sisimulan na ito ngayong araw, dapat itong araw-arawin upang mabilis na lilitaw ang buong katotohanan sa korapsyon at pandarambong at matukoy ang mga dapat managot.
Ang dalangin lang natin ay walang haharang sa mga resource person, maging sa mga dala-dala nilang ebidensya.
Gayundin na magpakita ang lahat ng inimbitahang resource person upang mapagyaman ang imbestigasyon.
Dapat din tiyakin ng mga pulis, militar at iba pang katulad na ahensya ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga ito.
Dapat ding makipagtulungan maging ang minorya upang maluto nang husto ang imbestigasyon patungo sa mga kinakailangang panukalang batas at pagpapanagot sa mga sangkot sa korapsyon, pandarambong at pang-aabuso sa poder.
Kung iisipin, pinakamahalagang gawain ito ng Senado sa mga araw na ito dahil dito rin matitiyak ang tagumpay ng lahat ng batas na ginagawa ng mga senador.
Sa ibang salita, kung matitigil ang malakihang katiwalian at pang-aabuso sa gobyerno sa imbestigasyong ito at kalakip na pananagutan, magkakaroon ng pondo at ngipin ang lahat ng mga batas na isinusulong ng mga mambabatas.






