MANILA, Philippines- Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na ipanalangin ang mga opisyal ng pamahalaan at Simbahan upang maging mabuting lingkod at tagapaggabay sa bawat isa.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa paggunita ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pagbabahagi ng obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, bukod dito ay mahalaga ring ipagdasal ang mga opisyal ng Simbahan upang patuloy na magsilbing gabay sa pagkakaroon ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Ipinaalala ng obispo ang kahalagahan ng pagbabalik-loob at pagpapakumbaba sa Panginoon upang masumpungan ang biyaya ng Banal na Espiritu para sa bansa.
“Send your Holy Spirit upon us oh Lord so that together we renew our community and our country with much humility and love so that this beloved country might be a better place to live. We shall proclaim to the whole world that you are our Father and Lord. Mabuhay ang Pilipinas,” panalangin ni Bishop Florencio.
Tema ng ika-126 na Araw ng Kalayaan ngayong taong 2024 ang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan” na layuning isulong ang pagbabalik-tanaw ng bawat mamamayan sa kasaysayan ng bansa bilang gabay at aral sa kinabukasan ng Pilipinas.
Ang Araw ng Kalayaan ay taunang ginugunita sa Pilipinas tuwing Hunyo 12 alinsunod sa Republic Act No. 4166 na nilagdaan ni dating Pangulong Diosdado Macapagal noong August 4, 1964 upang alalahanin ang Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. Jocelyn Tabangcura-Domenden