MANILA, Philippines – ISANG MALAKING kawalan sa administrasyong Marcos ang ginawang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng Department of Education at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sinabi ni dating chief presidential legal counsel Salvador Panelo na isa si VP Sara sa hanay ng mga “performing secretary” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Si Panelo, bukod pa sa pagiging legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nagsilbi rin bilang tagapagsalita ng administrasyong Duterte.
Sinabi pa ni Panelo na inaasahan na niya ang gagawing pagbibitiw sa gabinete ni VP Sara dahil sa hindi na magandang kapaligiran ang ginagalawan ng huli kung saan natagpuan niya (VP Sara) ang kanyang sarili na aniya’y ‘created by the allies of PBBM who were in a hurry to diminish and dislodge her enviable leading spot in the 2028 presidential race.”
Winika pa ni Panelo na ang tila pagkukulang ni Pangulong Marcos para idepensa siya (VP Sara) sa iba’t ibang usapin ay ”added to her discomfort.”
Binanggit din ni Pangulo ang hidwaan nina VP Sara at Unang GInang Louise ”Liza” Araneta-Marcos kung saan ang pagbubunyag na ginawa ng huli ng kanyang sama ng loob kay VP Sara ukol sa kanyang naging hinala ay nakadagdag sa nakasasakal na kapaligiran.
‘As a principled individual with a high sense of delicadeza, she was caged and chained — divesting her of the freedom to express herself on government policies not in sync with her convictions without embarrassing the present dispensation,”ayon kay Panelo.
Para naman kay Atty. Harry Roque, tagapagsalita ni dating Pangulong Digong Duterte na si VP Sara na ngayon ang ituturing na lider ng oposisyon matapos na kumalas sa Marcos-Duterte alliance na tinawag na Uniteam.
Samantala, sinabi naman ni PCO Secretary Cheloy Garafil na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibiiw ni VP Sara sa gabinete, epektibo ito sa Hulyo 19. Kris Jose