MANILA, Philippines– Naitala ng Pilipinas ang unang kaso ng Q fever, ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI) nitong Biyernes.
Nakahahawa sa mga tao ang nasabing sakit, na karaniwang nakaaapekto sa mga baka, tupa, at kambing, kapag nalanghap ang kontaminadong alikabok.
Nagdudulot ang sakit sa mga tao ng panginginig, lagnat, at muscle pain, at kapag hindi ito nagamot, maaari itong magresulta sa komplikasyon sa atay o puso.
Karamihan sa mga kambing na nagpositibo sa sakit ay mula sa Santa Cruz, Marinduque, ayon kay Dr. Christian Daquigan, officer-in-charge ng National Veterinary Quarantine Services Division ng BAI.
Aniya, wala pang kumpirmadong human case sa lokal.
Ayon sa Department of Agriculture, pansamantala nitong ipagbabawal ang pag-aangkat ng mga kambing mula sa US.
Ang Q fever ay sakit na dulot ng bacterial pathogen Coxiella burnetii, base sa National Institutes of Health (NIH).
“This hardy organism can easily spread long distances in the wind, and only a few infectious aerosolized particles are necessary to cause serious illness,” pahayag ng NIH.
“Presentations of Q fever disease can be wide-ranging, allowing it to masquerade as other illnesses and highlight the importance of laboratory testing for diagnosis and treatment,” dagdag nito. RNT/SA