CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan – Arestado ng mga operatiba ng San Jose Del Monte City police ang walong hinihinalang nagbebenta ng droga at nakuhanan ng shabu na tinatayang nasa P1.56 milyon ang street value sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Barangay Grace Ville, Miyerkules ng madaling araw.
Batay sa ulat na isinumite kay Col. Relly B. Arnedo, direktor ng Bulacan Police Provincial Office, isinagawa ang operasyon ng Station Drug Enforcement Unit ng San Jose Del Monte City Police Station sa Zone 1, Capili compound sa nayon sa mga 1 a.m.
“The arrested suspects and the confiscated evidence were brought to the Bulacan Provincial Forensic Unit for appropriate examination, while appropriate criminal complaints for violations of Article II, Section 5, and Section 11 of Republic Act 9165, also known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, have been prepared against the suspects for filing in court,” ani Arnedo sa isang interview.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang kabuuang 11 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu, humigit-kumulang 230 gramo ang bigat na may karaniwang presyo ng droga na P1,564,000, tatlong piraso ng P1,000 bill na ginamit bilang marked money at isang belt bag. RNT