NALULUNGKOT daw si Pangulong Bongbong Marcos dahil kinakailangan makasuhan ang pinsan niya na si dating Speaker Martin Romualdez. Presidente daw kasi siya ng lahat at hindi lang ng kanyang pamilya. Magandang pakinggan pero kaduda-duda pa rin kung ano ang katotohanan.
Una, kinasuhan pa lang si Romualdez at magkakaroon pa ng tinatawag na preliminary investigation. Wala pa sa Sandiganbayan ang kaso kaya wala pang warrant of arrest na mailalabas para hulihin si Romualdez at ikulong.
Sa preliminary investigation ay pasasagutin pa siya sa demanda. Part ng due process yan. Pagkatapos ng preliminary investigation ay saka titingnan kung ididismis ba ang kaso o isasampa sa husgado. Kung madidismiss marahil ang lungkot ni BBM ay mapapawi ng tuwa. Pero kung sakaling isampa sa husgado ay ano naman ang kaso?
Kung plunder ang kaso tulad sa mga unang nakasuhan ay NO BAIL RECOMMENDED kaya kapag nagkaroon warrant at nadakip siya o sumuko ay makukulong siya habang may paglilitis unless magsampa siya ng petition for bail at payagan ng husgado.
Kung sakali namang ibang kaso ang isampa at may bail recommended makapagpipyansa si Romualdez at may pansamantalang kalayaan siya habang nililitis ang kaso. “Due process” ang tawag dyan. Para kay Romualdez ay wala siyang kasalanan. Pero babala niya na hindi siya papayag na gagawin siyang scapegoat sa flood control scam.
May idadamay kaya siya? Ituturong mastermind? Malalaman natin kapag may resulta na ang preliminary investigation sa kanya.
Sa ngayon ang kaso laban kay Romualdez ay nagamit na propaganda sa State of the Nation Address. Pero kung mahahatulan si Romualdez na guilty, marami ang umaasa na hindi lamang siya at marami pang iba. SONA ALL er sana ol.






