Home NATIONWIDE Dagdag-pasanin sa mga seafarer, pinawalang-bisa ng SC

Dagdag-pasanin sa mga seafarer, pinawalang-bisa ng SC

1
0

MANILA, Philippines – Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang probisyong nag-aatas sa mga Filipino seafarer na maglagak ng bond bago maipatupad ang mga monetary award na iginawad sa kanila sa labor cases habang nakabinbin ang apela.

Sa desisyon ng Supreme Court En Banc noong Nobyembre 11, na isinapubliko nitong Lunes, Nobyembre 16, pinawalang-bisa ang bahagi ng Section 59 ng Republic Act No. 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers.

Ayon sa Korte, lumalabag ang naturang requirement sa karapatan sa due process at equal protection dahil nagdadagdag ito ng pinansyal na pasanin sa mga seafarer na nanalo sa kanilang labor claims.

Sa ilalim ng nasabing probisyon, maaaring agad ipatupad ang mga monetary award para sa sahod, statutory benefits at mga halagang hindi pinagtatalunan.

Gayunman, kailangang mag-post ng bond ang seafarer upang maipatupad ang disputed monetary awards at damages habang dinidinig pa ang apela o judicial review.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi makatarungang ipataw ang ganitong kondisyon sa mga seafarer kung walang katulad na requirement para sa ibang manggagawa.

Pinawalang-bisa rin ang probisyong nagpapahintulot sa paggamit ng AKSYON Fund ng Department of Migrant Workers (DMW) upang bayaran ang bond premiums.

Bukod dito, idineklara ring unconstitutional ang mga bahagi ng batas na nagtatakda ng 10% limitasyon sa bayad sa abogado at iba pang restriksyon sa legal representation ng mga seafarer.

Ayon sa Korte, nasa eksklusibong kapangyarihan nito ang pagregula sa pagsasanay ng propesyon ng abogasya.

Samantala, pinagtibay naman ng Korte Suprema ang mga probisyon hinggil sa maritime education at training, kabilang ang regulatory authority ng Maritime Industry Authority (MARINA).

Isinulat ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh ang desisyon matapos bahagyang pagbigyan ang limang pinagsamang petisyon laban sa ilang probisyon ng batas.

Nanatiling may bisa ang Magna Carta of Filipino Seafarers, maliban sa mga probisyong tahasang pinawalang-bisa ng Korte Suprema. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here